0% crime rate daw ang Pilipinas pag may laban si Pacquiao. Inaabangan kasi siya ng lahat ng tao sa Pilipinas kabilang na ang mga magnanakaw. mayaman o dugyot. Pero maliban sa walang traffic, walang krimen (halos) at naglipana ang ads ni Pacman, ano pa ba ang nangyayari pag araw ng laban ni Pacquiao?
5. Unofficial Holiday.
"Sa suntok ng Pacquiao, tumitigil ang mundo". Yan yung lyrics ng theme song ng "Pinoy Records". Totoo naman. Madaming nagkakansela ng lakad, ng date, ng trabaho at kung ano pang gawain para mapanood si Pacquiao sa TV. Nagiging automatic na dapat cleared ang schedule pag may laban si Pacquiao. At kung hindi man kayo i-excuse ng kung sino man eh malamang na scheduled ding nagkakasakit ang mga empleyado sa mga panahon na 'to. Ito na ang panahon ng get-together at family reunions. Dito nga sa 'min, si Mayor pinapahanda ang gym sa may munisipyo para dun ibroadcast ng libre ang laban ni Pacquiao. Umaga pa lang, ang dami ng tao. Nakikita ko sa daan yung mga naglalakad na iisa ang tinutumbok na direksyon. Tumitigil ang mga naghahanap-buhay kahit saglit. Nung minsan kailangan kong umalis, wala akong masakyang tricycle. Well, may tricycle naman sa terminal pero walang driver. Nandun kasi sila sa pinakamalapit na establishment na may TV. Nakikinood. Kaya kung may lakad ka sa araw na 'to, mabuti-buti pa medyo magprepare ka din ng schedule mo. Baka matagalan ka hindi dahil sa traffic jam kundi dahil walang traffic — wala kasing sasakyan.
4. Legal Na Inuman
Para 'to sa mga may-asawang talak ng talak pag umiinom sila. Ito ang panahong nagiging legal ang inuman. Kung dati, kailangan may special occasion pa para lang makainom ang mga lalaking ito, ngayon, "Laban ni Pacman" lang ang kailangan mo'ng dahilan at baka ipaghanda ka pa ng pulutan ng asawa mo. Minsan nga lang kasi ang laban ni Pacquiao at medyo ironic na para makapagrelax ang iba eh nanonood sila ng suntukan. Nagiging kapalit ng videoke/karaoke ang TV at ang pinaguusapan eh ang laban ni Pacman. Yung magkakapitbahay na ayaw magkita-kita eh nagtitipon sa iisang lugar para doon manood ng laban kahit na may sarili naman silang TV sa bahay nila. Pinagpaplanuhan pa yan ng iba. Kung sino ang bibili ng inumin, pulutan, kung saan gaganapin. At akalain mo naman yun. Nakainom lang, nagiging boxing analyst na agad ang lahat. Haha. Yun nga lang, pag nagkalasingan at nagkapikunan na, sila na ang ina-analyze... either ng pulis, ng doktor o paminsan, ng misis nila. Patay.
3. Libre At Legal Campaign Period
Sa parehong dahilan na nagbabakasyon ang mga normal na tao, nagbabakasyon din ang mga pulitiko. At ibahin mo sila. All of a sudden, biglang may sense of urgency na kailangan nilang pumunta sa kung saan man ang laban ni Pacman. Hindi mo alam kung bakit biglang nagsusulputan ang mukha nila pag may laban. Yung iba nga sumusundo pa kay Pacquiao sa airport. All of a sudden, super close. Para ano? Manghingi ng balato? Hindi siguro. Andun sila para kumiskis sa masa. Masa daw kasi si Pacman at malakas ang hatak. Pag nahuli mo ang loob niya, madaming taong bayan ang mahuhuli mo ang loob. "Mabait naman ata yang pulitiko na yan. Kaibigan ni Manny eh." Paminsan dapat magkaron ng charity presentation ang mga politicians. Sila naman sa ring................ Walang gloves, walang referee. Malamang sold out din yon.
2. Excused Ka Magmura
Kung dati, nasisita ang mga taong malulutong magmura, tuwing laban ni Pacman eh nagiging excused sila. Parang "Yehey!" na lang yun nga yon. Madaming nagkakasala ng dahil lang sa pagmumura ng di nila nalalaman. Damang-dama mo yung excitement. Damang-dama mo yung violence. Paminsan kasi, pag sumisigaw sila, with matching suntok-suntok pa sa ere. Gigil na gigil. Example: "Banatan mo... Banatan mo... Banatan mo!! BANA—UM! AH-YOWN, +@\9!\@ KANG 9@90 KA!!!!!!!!! WOOOOOOOOOOOOOOH!!!"
1. Nagiging Uso Ang Mga Psychic
Eto ang top na pinakaweird at nakakatawang nangyayari pag laban ni Pacquiao. Kahit sino ang kalaban, kahit ano ang dahilan, all of a sudden, biglang nagkakaron ng announcement ng resulta. Hindi naman nagtutugma ang mga lumalabas. Biglang natatalo o nananalo si Pacman na hindi man lang nagcommence ang laban. Kesyo may kamag-anak daw sila sa ibang bansa at advanced daw dun at napanood na nung kamag-anak nila at talo/panalo daw. In detail pa minsan ha? Alam nila kung san dumugo, bakit dumugo, kung TKO ba o decision, anong round at yung iba pang technicalities. Akala mo talaga nangyari. Maniniwala ka na sana kung nagtutugma yung mga kwento. Habang si Manny eh serious na nagcoconcentrate sa laban niya, ang mga Pilipino naman eh nagtatalo sa kung sino bang source ang reliable at hindi. Parati naman 'tong nangyayari. Hindi ko alam kung bakit kailangang taun-taon din silang magtalo kung sino nagsasabi ng totoo samantalang taun-taon din naman nilang napapatunayang pare-pareho silang mali. Talaga naman.
Totoong masaya manood ng laban ni Pacquiao. Nakaka-stir siya ng feeling of patriotism. Biglang napakasaya maging Pilipino. Nagsasama-sama lahat ng Pilipino para magbigay ng suporta kahit na paminsan nagmumukha silang ewan. Sabagay, wala naman tayong pakialam kahit mukha tayong ewan basta gusto natin gawin, di ba? Naaalala ko tuloy ang Dragon Ball Z sa mga panahon na ganito. Si Pacquiao si Goku at tayo yung mga taga-Earth. Sa oras na kailangan niya ng tulong, hinihingi ni Goku ang tulong ng mga tao. Tinataas nila ang mga kamay nila para mabuo niya ang kanyang ultimate finisher na Genki Dama (hindi Kame Hame Ha).
Sa suntok ni Pacquiao, biglang titigil ang mundo. Sa suntok ni Pacquiao, nagwi-wierd ang mga tao. Ano yan, kabilugan ng buwan? ^_^