September 30, 2009

Nang Makilala Ko Si Ondoy

Kung tutuusin daw, ang baha ay tubig lang... Tama, tubig "lang" na rumaragasa at mapanira.

Mataas ang lugar namin kaya naman pag umuulan, hindi ako natatakot na bahain. After all, ang pinakamataas na bahang nakita ko dito sa malapit sa min ay hanggang binti lang. Rare pa yun. Kaya siguro nung nakita ko'ng bubong na lang ang kita sa eskwelahan sa tapat ng bahay namin, nagkaron ako ng bahid ng takot.

Umuulan na nung umalis kami sa bahay ng boyfriend ko. Napuyat nga kami pareho kagagawa ng system namin na due ang defense sa Oct 5. Halos matatapos na. Isang feature na lang ang kulang. Madilim na ang langit nun pero tahimik kaya sabi ko, malaki naman yung payong. Kahit umulan ng malakas, okay lang.

Yun na pala yung tinatawag na "calm before the storm".

Hindi pa ko agad naligo pagdating ko sa bahay. Nag-internet muna ako dahil madalang ako makagamit nun sa bahay lately. Busy kasi kagagawa ng system. Hindi na ko makauwi sa bahay. Hindi din ako gumagawa ng system sa bahay namin kasi ginagamit ni papa yung computer sa trabaho. Anyway, walang tubig sa bahay kaya hindi din ako nakaligo. Lumakas ang ulan. Sabi ko kay Marvin, sa kanila na lang ako maliligo. Kuha na lang ako ng damit dito sa min. Hihintayin namin tumila ang ulan tapos lalakad na kami.

Pero hindi tumila ang ulan. Lalo pa nga lumakas hanggang sa nagtext na ang mama ni Marvin.

ambin, uwi ka na. ang laki na ng tubig. walang makatulong sa pagbubuhat.

Hala. Wala kaming choice. Kailangan na naming umalis. Yung payong na malaki na akala ko kaya kaming isilong kahit na umulan ng malakas? Isang ihip lang, NAKALAS. Alam ko'ng magsisimula ng bumaha any minute. Sa third floor ang bahay namin kaya alam ko'ng malabong makarating ang tubig dun kaya medyo kampante ako pero may gamit ako kina Marvin. Dun ako nag-alala.

Nahirapan kaming humanap ng tricycle dahil nilalamon ng baha ang tambutso ng motor. Buti na lang may mabait na manong na pumayag na ihatid kami hanggang tulay kung saan malapit ang bahay nina Marvin.

Malapit sa ilog ang bahay nila. Siguradong lulubog. Pagdating ko sa bukana ng compound, hanggang bukung-bukong ang baha. Wala pang five minutes, hanggang binti na. Ang hirap maglakad. Inalalayan lang ako ng tita-pinsan ni Marvin. Nagkakagulo yung mga tao sa pag lipat ng gamit. Nagsi-swimming yung mga bata sa baha. Pero hindi ako nakakaramdam ng panic sa paligid ko.

"Ganito ba talaga pag baha?" tanong ko sa kapatid ni Marvin. Hindi pa kasi ako nakaexperience ng baha sa loob ng bahay na tinutuluyan ko.
"Oo!" sagot ng kapatid niyang bunsong si Edeng, "Ganito talaga dito! Masaya nga pag baha! Sanay kami sa baha!"

Masaya pag baha. Ganun pala yun? Bakit yung mga bata sa TV umiiyak pag baha?

Pagdating sa bahay nina Marvin, wala pa sa bukung-bukong ang baha. Pinakamataas kasi yung lugar nila sa buong compound. Natawa pa yung mama at tita niya nung nakita ako.

"Dinala mo pa si Zai dito eh baha na? Ayan, Zai, makakaranas ka na ng baha!"

Wala pang five minutes, mataas na yung tubig. Kausap ko yung pinsan ni Marvin na si Karen. 5 years old siya. Naka-jacket at tawa ng tawa habang pinapanood yung mga tao na naglilikas ng gamit. Hindi ko alam kung bakit ako hindi nakakilos agad. Hindi talaga tumama sa kin yung bigat ng sitwasyon. Naisip ko "sanay sila sa baha". Ewan ko ba kung bakit ako nawalan ng initiative nung oras na yun.

Sunod kong nalaman, hanggang tuhod na yung baha. Binitbit ko na si Karen na nanginginig na. Tumuntong kami sa mataas na silya para hindi maabot ng baha.

"Ate Zai! Ate Zai!" sabi ni Edeng, "Tara na kina Tito Doweng! Dun tayo sa second floor! Baka hindi tayo makaalis dito!"

Hindi makakaalis? Ang lapit-lapit ng bahay ng tito niya. Hindi ko agad naisip kung bakit hindi kami makakaalis. Dahil baha? Pero malapit lang naman, ah. Pero sige, mabuti pa dalhin ko na yung mga bata dun.

Pag baba ko sa silya, dun ko nalaman na mabigat na nga ata ang sitwasyon. Mataas na ang baha para kay Karen. Hindi niya kaya. Hanggang leeg na niya. Hanggang hita ko na. Ang bilis naman! Binitbit ko na lang si Karen at hawak nila ni Edeng ang payong. Dalawang dipa pa lang ang nalalakad namin, hanggang bewang ko na yung tubig.

HALA KA!! BA'T GANUN!?

Pero hindi pa rin ako kinabahan. Nataranta pa lang. Mababa naman talaga ang lugar na 'to at malapit sa ilog kaya siguro ganun. Pumunta kami sa pansamantalang lagakan ng mga tao't mga gamit. Isang walang laman na opisina. May kataasan na ang lugar na yun. Nakikita ko yung mga tao na naglilipat ng gamit. May mga naka-bag. May mga naka-plastic. At meron ding halatang nadampot lang. Binalot ni Marvin ng malaking t-shirt yung monitor ng PC niya saka niya dinala. Tapos yung system unit (CPU sa iba), nilagay niya sa malaking bag, nilagyan ng damit sa loob, saka dinala para hindi mabasa. Nandun nga pala yung system namin. May back up naman kami pero Version 1.4.0 ang back up namin at Version 2.0 ang huli naming nagawa nung gabi. Yung AVR at ilang kawad, nilagay niya sa bigasan dahil sigurado daw na bibitbitin ang bigasan. Hindi yun iiwanan. Bilib din ako sa bilis nilang mag-isip.

Pinunasan ko ng twalya si Karen dahil basang-basa na kami. Inakap ko din siya dahil giniginaw na siya. Kawawa naman yung bata. Meron ding isa pang bata dun na hindi ko kaanu-ano pero pinaakap ko na din sa kin. Wala kasi ang tatay nilang magkakapatid. Nasa Laguna. Patay na ang nanay nila. Yung kuya nilang 13 years old lang ang natirang naglilikas ng gamit. Pag silip ko sa labas, ayan na ulit yung tubig.

Hanggang leeg na daw yung tubig sa looban ng compound.

ANO!? AGAD!?

Pero wala pang sampung minuto ang lumipas nun, ah!

Nun pa lang ako medyo nagigising. Ewan ko ba. Hindi naman ako normally na ganun. Nun lang kasi talaga ako nakaranas ng ganun.

Sa third floor ang bahay namin. Malabong abutin ng tubig yun. Mas mabuti sigurong mailikas yung mga bata mula dito papunta sa min. Kahit papano dun, tuyo ang tutuluyan. May mahihigaan. At hindi rin sila kailangang asikasuhin ng mga magulang nila. Ayaw pumayag nina Marvin nung una. Okay na daw dun. Pero kinukutuban talaga ako.

"Hindi. Dalhin natin yung mga bata sa bahay namin. Punung-puno na yung kwartong to. Magkakasakit sila dito."

Pumayag din naman si Marvin. Dala yung ibang gamit namin, umalis kami nung medyo humina ang ulan.

Ako, si Marvin, si Edeng, si Karen at ang ate ni Karen na si Nica.

Tumawag ng tricycle pero may tubig din sa loob nun. Pakiramdam ng mga bata Indiana Jones sila.

Nasa tulay na kami nung makita namin ang isang buong bahay na may gamit pa sa loob na tangay-tangay ng galit na galit na ilog.

Biglang parang gusto ko'ng umiyak. Kawawa naman yung may-ari ng bahay.

Pag dating namin sa bahay, hanggang binti na yung tubig sa baba. Nun pa lang ako nakaranas ng ganun sa lugar na yun. Ang hanggang binting baha sa lugar namin eh hindi pumapasok sa loob ng compound. Hanggang kalsada lang! Pero ngayon, hanggang sa compound meron na. Unti-unti ng pumapasok sa mga bahay-bahay.

Umakyat kami hanggang third floor kung saan nandun ang kwartong nagmimistulang bahay ko. Wala pang five minutes, hanggang tuhod na yung baha. Buti na lang nasa taas na kami.

Nagbihis ako agad at medyo nagbanlaw gamit yung natirang tubig. Buti pala hindi ko yun pinanligo kanina kundi natuyo sa katawan ko ang tubig-baha. Piangbihis din yung mga bata. Walang sinelas si Nica. Pinahiram ko muna. Wala din silang damit. Pinahiram ko ulit. Nilabas ko ang mga luma kong laruan at pinaglaro ko sila para malibang habang si Marvin ay alalang-alala na sa pamilyang naiwan niya sa kanila. Babalik sana siya pero hanggang bewang na ang tubig sa baba at based sa bilis ng pagtaas ng tubig, saglit lang eh lagpas tao na yun. Hindi ko na siya pinaalis lalo pa't alam kong hindi siya marunong lumangoy.

Maya-maya, nagtext na ang mama ni Marvin na wag muna bumalik dun dahil napakalaki ng tubig. Mabuti na lang nadala yung mga bata sa min. Bawas alalahanin na baka mawala, malunod, magutom, magkasakit. Tapos nagtext na din si papa na stranded sila sa opisina. Hindi siya sure kung makakauwi siya.

Sumilip ako sa labas. Ang taas na ng tubig. May owner type jeep sa baba. Kalahati na nun ang kinain ng baha. Kinakain na din yung mga street signs. Yung mga manok ng lolo ko sa kabilang compound, iniakyat na sa bubungan. Nakita ko din ang tito ko'ng doktor na lumalangoy sa baha para asikasuhin yung mga gamit sa compound. May dala siyang kickboard. Itinaas ang kanyang mga mamahalin at may lahing aso sa bubong pero pinili ng golden retriever niya na lumangoy sa tabi niya. Ang loyal ng aso.

Bumalik na ko sa loob.

Walang tubig. Buti na lang may kuryente. Makakanood kami ng news.

Mamayang konti, lumabas ako para sumilip. Sarado na yung pinto ng hallway.

"Wag ka ng lumabas, anak." sabi ng kapitbahay namin, "Napakalakas ng hangin."

Glass ang pinto ng hallway ng third floor residential area pero wala ako'ng makita sa labas. Sumilip ako sa bintana. Yung Central School of Sta. Maria, Bulacan, bubong na lang ang kita. Nun ko pa lang nakita yun na ganun. Nagsisimula na ko'ng matakot. Kailangan ko ng lakas.

Pero sino ba ang kasama ko? Si Marvin at yung mga bata. Si Marvin may inaalalang pamilya. Hindi ko siya pwedeng abalahin para humingi ng encouragement. Yung mga bata... Eh mas kailangan pa nila ng encouragement dahil tahimik na silang nakaupo sa sofa at nagdadasal. Wala akong mga magulang dito. Naisip ko bigla yung mga gamit namin kina Marvin. Yung system na project namin. Yung mga damit na naiwan ko dun. Yung mga sapatos. Yung mga transaction cards. Yung mga kwintas. Pano pag inabot kami dito? Pano pag may namatay? Pano pag nawalan sila ng bahay? Pano na? Walang pagkain sa bahay. Walang tubig. May pera pero walang mabilhan. Leche, ngayon pa naputol ang unli ko at wala akong extra load. Pano na? Pano na?

Nasusuka na ko kaiisip.

Sa puntong to, laking pasalamat ko sa Diyos na nakilala ko sa buhay ko si Cathy. Bakit? Dahil kay Cathy ko natutunan ang dasal na "Lord, give me strength." Corny sa iba pero I swear totoo yun.

Paulit-ulit ko lang yun sinabi. Masyado siguro akong nahihirapan dahil masyado ko'ng pinipilit isipin ang madaming bagay. Dapat isa-isa lang ang isipin ko. Masyadong madami ako'ng pinagdadasal. Hindi pwedeng sabay-sabay ko yun makuha. Kaya ang sabi ko na lang "Bahala ka na, Lord."

May reason kung bakit ako sa third floor nakatira. Malamang isa na 'to sa mga dahilan na yun. Hindi ako nilagay sa sitwasyon na 'to para maging mahina. Nilagay ako sa sitwasyon na 'to dahil kaya ko'ng kailangang malakas.

Alam ko'ng titigil ang ulan. Alam ko. Alam ko titigil ang ulan. Malayo pa ang tubig sa kinalalagyan namin. Titigil ang ulan. Titigil ang ulan. Wala akong magagawa sa puntong yun kundi magtiwalang titigil ang ulan. Kung magpapatalo ako sa takot, nilunod ko na ang sarili ko.

Oras ang lumipas. Hindi tumitila ang ulan. Patuloy lang ang mabilis na pagtaas ng tubig. Wala akong nakunang picture ng bagyo dahil alam kong masama sa camera ang tubig. Mahirap na. Di nagtagal, dumating na ang dilim. Alas sais na. Kailangan na naming kumain. Binigyan kami ng kapitbahay namin ng tubig, bigas, hotdog at kandila. Buti na lang. Nagpasalamat ako sa kanila at niluto ang pagkain. Pasalamat ako dahil hindi sutil ang mga batang kasama ko. May kakulitan lang pero walang arte sa katawan.

Kino-consider na ni Marvin yung option na umalis kami dahil baka abutin daw kami ng tubig. Pero saan kami pupunta? Kahit saan daw basta wag dito.

Hala. Panic?

Walang matutulong kung aalis kami. Walang matutulong kung gagalaw kami. Kung lalabas kami, mas malamang na mapahamak kami. Mataas ang lugar na kinalalagyan namin. Pag lumubog 'to, lubog na lahat. Walang ibang pupuntahan.

Wala kaming choice kundi maghintay.

Madilim na. Malakas pa rin ang ulan pero mahina na ang hangin. Nagkakaron na ko ng pag-asa. Ilang oras pa ulit ang lumipas. Humina na ang ulan. Bumagal na ang pag-akyat ng tubig. Gumagaan na ang pakiramdam ko at nagdasal na ko para mag-thank you. Pagkalipas ng ilang oras, bumababa na ang baha.

"Yehey!"

Yun na yata ang pinakamasarap na yehey na nasabi ko.

Bumaba din ang tubig ng gabing yun.

---

Kinabukasan, makapal ang putik. Madaming dumi. Madaming patay na daga at patay na ipis na nagkalat. Kadiri. Buti na lang walang gagamba. Madaming kapitbahay nina Marvin ang nawalan ng bahay at gamit pero kumpleto ang pamilya. Lumubog pala ang bahay nina Marvin sa baha. Buti na lang yari sa bato ang bahay nila at matibay kaya hindi nasira. Ang kapal ng putik. Hanggang binti. Nakuha ko yung mga sapatos ko. Himalang yung transaction cards namin ay hindi nabasa. Yung computer ni Marvin ay gumagana pa. Pati yung parasol ko, buo pa nga eh. Nawala yung ibang gamit ko pero negligible naman at hindi aabot ng 500 ang halaga nila altogether. Haha. Ambait talaga ni Lord.

Sa kasalukuyan, naglilinis sina Marvin ng bahay nila na puno ng putik. Hindi na niya ko pinasama para tumulong. Sa ibang bagay at ibang tao na lang daw ako tumulong. Kaya naman ako eh nasa bahay at naghihintay sa mga kailangan magpatulong para bawiin yung system nila na naka-back up sa computer ni Marvin. Phew. Buti na lang. God works wonders talaga.