April 2, 2009
Sorry, Mario… But Our Princess Is In Another Castle
February 27, 2009 nang isulat ko ang blog post na 'to. Wala pa kaming internet nun kaya inintend ko'ng i-upload to pag nakapag-internet na ko sa labas hanggang sa nalimutan ko na. Ngayon, habang nag-aayos ako ng files para makalimot sa isang bagay na bumabagabag sa kin, nakita ko 'to. Nalimutan ko nga kung ano nga ba 'tong file na 'to. Ide-delete ko sana kaso binuksan ko muna at eto nga ang nabasa ko.
----------------
Sorry, Mario… But Our Princess Is In Another Castle
Saksakan ng bwiset yang linya na yan. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na ba ko’ng naglaro ng Mario (kahit ano’ng version pa yan) pero napakadalas ko’ng makita ang linyang ‘to. Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ito ang title ng sinusulat ko ngayon. At kagaya nu’n, hindi ko din alam kung bakit ko ‘to sinusulat ngayon.
Ugali ko na talagang magsulat para mailabas kung ano man ang saloobin ko tungkol sa kahit ano — mula sa mamang nagtitinda ng fishball sa labas hanggang sa epic na pang-aapi ng mahirap sa mayaman. Pero sa pagkakataong ‘to, hindi talaga malinaw kung ano ba talaga ang gusto ko’ng isulat.
Ilang araw na din ako’ng bangag sa sarili ko’ng kalituhan. Madaming bagay ang nangyari. Mahirap ikwento dito. Hindi ko alam kung lahat ng tao dumadaan sa ganito basta ako, basag ang orientation ko tungkol sa madaming bagay. Hanggang sa oras na sinusulat ko ‘to, hindi pa rin bumabalik sa tama ang diwa ko. Ngayon ko lang din naranasan na magsulat ng sobrang walang direksyon. Mahirap pala yung tumitig sa screen at pinanonood mo lang kung ano’ng related na salita ang ita-type ng daliri mo.
Kaninang umaga, na-virus ang computer ko. Hindi ko na ikukwento kung san galing yung virus, kung bakit o kung ano. Basta ang importante sa kwento, na-virus ang computer ko. Pinasok ng matindi ang system ko. Wallpaper lang ang natira sa desktop ko. Hirap pati taskbar ko. Gula-gulanit yung mga folder ko. Hanggang sa kasuluk-sulukan ng hard drive ko, may virus. Wala ako’ng anti-virus noon dahil walang kwenta ang mga nakukuha ko’ng kopya. Lahat sila required na i-update ang database through the internet. Eh wala kaming internet. Sinubukan ko’ng mag-install ng anti-virus pero huli na. Bago din kasi yung virus na yun. Nakakatawang nakakaawang IT student pa naman ako’ng naturingan at nanggaling pa man din ako sa Computer Engineering tapos wala ako’ng matinong anti-virus. At ang malupit nun, dahil sa wala ako’ng CD-RW at dahil pati USB Flashdrive ko ay may virus, wala ako’ng nai-backup — KAHIT ISA.
Ginawa ko na lahat ng makakaya ko. Kinasa ko na lahat ng baril ko pagkatapos ko i-karga ang lahat ng bala ko. Wala na talaga. Lulugu-lugo ko’ng ginawa ang huli ko’ng option.
Format.
Oo, na-format ang HDD ko ng walang kalaban-laban.
Pakiramdam ko binabayo ang ulo ko habang pinapanood ko yung kasumpa-sumpang progress bar sa blue screen. Dalawang beses ko pa ngang ininstall yung Windows XP ko sa sobrang disoriented ko. Nakakainis dahil nabura pati importanteng files ng papa ko. Pakiramdam ko kasalanan ko lahat.
Hindi ito ang unang beses ko’ng nasiraan ng computer na kinailangan mag-format. Hindi ito ang unang pagkakataong nawalan ako ng files. Hindi ito ang unang pagkakataong kinailangan ko’ng mag-reinstall.
Pero bakit parang ang sakit sa loob ngayon?
Siguro kasi mas napamahal na sa kin ang computer ko. Madami na ko’ng alam gawin kesa sa pagtitingin lang ng pictures, paggawa ng mga webpage at paglalaro ng games. Madami na ko’ng nilagay. Madami na ko’ng ginawa. Madaming bago.
Kung sana nag-back up ako ng mas maaga. Kung sana naglagay ako ng kahit anong anti-virus. Kung sana pinush ko ng maigi yung pagkakaron ko ng internet.
Kung sana. Kung sana. SANA.
IT student pa man ding naturingan. Nakakabanas talaga.
Nabura lahat. Lahat ng sinulat ko. Yung mga layout ko. Yung mga photo edits ko sa Photoshop at higit sa lahat, yung mga pictures na kinunan ko.
Yun siguro ang pinakamasakit sa lahat eh. Frustrated photographer ako at sobrang sentimental na tao. Yun siguro ang dahilan kung bakit halos lahat ng mga importanteng moments, kinukunan ko kahit ng camera phone. Yun ang masakit dun eh. Malalaro ko pa ulit yung saved games na nabura. Mahahanap ko pa ulit yung mga dinownload ko sa net. Maiinstall ko pa ulit yung mga program na nawala. Pati nga yung mga program ko’ng school-related, mauulit ko pa. Ang hindi ko na mababalik ay yung mga oras na ginugol ko sa mga picture na kinunan ko.
First few days ko sa bago ko’ng school. Unang kain ko sa labas kasama ang mga bago ko’ng kaklase. Unang lakad ko sa SM. Punta namin sa Trinoma. Yung headband ko’ng nawala na. Yung costume ko ng Haruhi. Birthday ni Cathy. Birthday ni Neil. Sportsfest. NYC. Unang araw sa Waltermart.
Nai-backup ko yung iba online pero hindi pa rin magbabago ang katotohanang nabura siya sa hard disk ko. Nakakapanlumo isipin.
Pero wala naman ako’ng magagawa na. Kahit maglupasay ako. Kahit magsisigaw ako. Kahit butasin ko ang pader namin, hindi na babalik ang mga files ko. Ano pa ba’ng magagawa ko kundi buuin ulit yung computer ko’ng dinaanan ng matinding virus?
Ni-reinstall ko lahat. Windows XP. AutoCAD. Adobe Photoshop. Microsoft Office. Diablo II. Java Creator.
Kinuha ko yung lalagyan ko ng backup files ko. Yung mga files na ‘to nung 2006 o 2007 pa yata pero wala ako’ng magagawa kundi i-restore yung computer ko gamit ang mga files na to.
Yung mga pictures, yung mga tugtog, yung mga write ups... Lahat.
Lahat galing sa luma ko’ng computer.
Starting from scratch. Back to square one.
Pagkatapos ng ilang oras ng pagrerestore, pagngawa at panlulumo, eto na ko, nagta-type na tungkol dito.
Sa totoo lang, ngayon ko lang napansin na ang husay Niya talaga, no? Kasi hindi ko napansin na yung computer ko, para palang ako. Gulagulanit na mga folder na saksakan ng hirap ayusin. Nag-iinstall ako ng anti-virus na huli na. Pinipilit ko’ng isalba ang mga files na kahit gaano ka-importante eh wala ng pag-asa. Wala ako’ng choice kundi mag reformat at mag-reinstall.
Wala ako’ng choice kundi magsimula na lang ulit.
Kahit gaano ka-importante ang mga bagay na mahal ko sa buhay ko, kung na-virus na ang mga yun, wala na ko’ng magagawa kundi simulan ulit lahat sa umpisa. Kung hindi ko kayang tanggalin ang virus, tatanggalin ko kung san nakakapit yung virus para hindi niya masira ang system ko. Buburahin ko kung ano yung nagpapabagal sa kanya. Buburahin ko kung ano man ang nakakasira sa kanya. Oo nga siguro importante yung ibang files pero kailangan ko’ng mamili — buburahin ko ba yung files na may virus para maayos ang system ko o hahayaan ko siya sa hard disk ko pero hindi ko naman magagamit ang computer ko?
Bakit ko kailangang panghinayangan ang mga bagay na nakakasira lang sa system ko?
Oo nga, madaming mga pictures ang hindi na pwedeng ibalik pero hindi naman siguro ibig sabihin nun hindi na ko makakakuha ng mga pictures na sing ganda o mas maganda pa dun. Hindi naman siguro ibig sabihin, habang buhay na mawawalan ng laman yung hard disk ko. Oo nga, luma na yung mga files na nilagay ko dito dahil backup ko ‘to mula noon pa pero di ba mas mabuti na ‘to kesa sa wala ako’ng babalikan? Mas mabuti na to kesa sa wala akong wallpaper. Mas mabuti na to kesa sa wala ako’ng mp3.
Mas mabuti na to kesa sa may files akong importanteng naka-store sa isang computer na hindi ko magamit.
Mas mabuting ayusin ko mula sa simula ang sarili ko kesa pilitin ko’ng ayusin ang sitwasyon ngayon habang nasisira naman ang kasalukuyang ako.
Mas pipiliin ko ba’ng isalba ang mga bagay na importante pero nakakasakit o mas pipiliin ko ba’ng ayusin ang sarili ko ngayon para sa mga mas importante pa’ng bagay na dadating bukas o sa isang linggo, sa isang bwan, sa isang taon o sa kung kelan pa man?
Alin ang pipiliin ko — importanteng files na may virus o lumang files na okay naman?
Madali lang naman siguro sagutin yan.
Nakakatawa na sobrang hirap na hirap ako’ng i-sort out ang mga bagay-bagay kahapon lang. Parang niyayanig ang mundo ko at nagkakasakit na ko sa sobrang pag-iisip. Medyo ang weird lang kasi kailangan pa’ng sirain ni Lord ang computer ko para lang maintindihan ko ‘to.
Mahirap nga magrestore ng computer. Mahirap din magdownload ulit. Tiyak magagastusan ako. Tiyak mapapagod ako. Siguradong hindi na babalik sa katulad ng dati at eksaktong-eksakto ang computer ko pero ang importante dun, gumagana na ulit ang computer ko. Hindi man katulad ng dati yung mga ala-alang ilalagay ko sa mga folder ko, malay naman natin kung mas maganda pa dun ang kapalit.
Nakakatawa talaga.
Akalain mo, “wah.doc” ang filename ng unang MS Word file na nai-type ko sa bagong format ko’ng hard disk.
Wah ang tunog pag umiiyak.
Nakakatawa.
Nakakatawa talaga.
----------------
Gusto ko'ng sabihin na ilang araw matapos ko'ng marealize lahat ng ito, nalaman ko'ng aksidenteng nakapag-back-up ako ng files sa computer ng iba. Naretrieve ko ang 90% ng files ko'ng akala ko'ng nawala.
For the end of the world, press Ctrl + Alt + Delete. ^^,
Tags: Madamdamin
About the Author
Simplest
Hello, I'm Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit. Nunc consectetur nulla id metus consequat convallis. Praesent fringilla nulla eget elit bibendum dictum.
0 comments:
Post a Comment