UNANG PAGTATAGPO
Minsan, habang nagda-download ako ng Rock Musical Bleach : The Live Bankai Show Code 002, may pinapasok na bata ang tatay ko sa bahay. Maingay. Makulit. Salita nang salita. Tiningnan ko. Kapit-bahay pala naming may lahing intsik. Hindi ako mahilig sa bata pero hindi din ako galit sa bata. Siguro AYAW ko lang sa batang epal sa buhay na sumobra sa pagka-bibo eh nagiging atribido. Atribibo ika nga. Hindi ko na lang pinagpapansin kung ano man ang sinabi niya basta wag niya lang ako guguluhin kasi panonoorin ko na ang part 1 ng na-download ko.
"Ano'ng ginagawa mo?" sabi niya sa kin.
"Nanonood." sabi ko. Iniksian ko ang sagot. Baka sakaling magets niya na ayaw ko paistorbo. Wala kasing English subtitles ang pinapanood ko. Hindi rin ako super sanay mag-Japanese so medyo kailangan ng matinding utakan at common sense para ma-appreciate ko ang pinapanood ko. Gusto ko manood ng mag-isa. Hindi na rin ako ngumiti para di na din siya ma-encourage.
"Games ba yan?"
Umiling lang ako.
"May games ba yan?" tanong niya.
"Wala." sabi ko.
"Ay, yung computer namin may games." sabi niya sa tono ng batang nagyayabang. Pinabayaan ko na lang. May installer ako pero hindi ko nilalagay. Maliban kasi sa walang video card ang computer ko, magpapapasok lang ng bata ang papa ko dito para ipagamit 'tong computer sa kanila pag may games 'to. Maarte pa naman ako sa computer. Ayokong napakaraming inutil ang gumagamit at ayokong napakaraming nagmamarunong na gumagamit. Buti sana kung mga kapatid ko o kasambahay eh mga kung sino lang naman na kung pumindot ng keyboard eh akala mo buzzer sa Gobingo ang pinupukpok.
"Madaming games yung computer namin. Madami din video."
Tumango na lang ako.
Nagsisimula na kong maistorbo. Ayaw ko pa naman ng may ganung makulit na kumukuhang pilit ng atensyon ko habang may ginagawa akong iba na kailangan o gusto ko. Isa 'to sa mga dahilan kaya ayokong may mga batang labas-masok sa bahay namin.
Umalis ka na. Umalis ka na. Umalis ka naaaaaaa.
Sakto namang dumating ang boyfriend ko'ng si Marvin. Hindi ko maalala kung sa'n ba kami pupunta nu'n pero alam ko susunduin niya ko.
"May kotse ba kayo?" sabi nung bata sa kin pero hindi pa ko nakakasagot, nagsalita na siya, "Kasi kami madami kaming kotse."
Tapos isa-isang nag-enumerate ng kung anu-anong sasakyan nila.
"May kotse ba kayo?" sabi niya kay Marvin.
"Wala pero alam mo ba yung MRT?" sagot naman ni Marvin, "Kami may-ari ng MRT."
Hindi naman ata alam ng bata kung ano yung MRT kaya kumunot lang noo niya.
"Madami kaming bahay." sabi ulit ng makulit na bulilit na ayaw ko namang kausapin eh kung bakit nandun pa, "Meron kay..."
Ayun. Isa-isa nang nag-enumerate yung bata kung saan-saan ang mga bahay nila at kung sinu-sino ang may-ari. Kwinento din niya kung gano kalaki. Binilang niya lahat pero hindi ko na tinandaan talaga kung ilan. Ang alam ko lang lampas lima. Madami nga kaso pakialam ko ba. Ang tanging interes ko nung oras na yun eh mapanood ng maayos ang video na na-download ko.
"Madami kaming bahay." sabi na naman ni Marvin na pinagti-tripan yung bata, "Tatlo nga lang bahay namin kaso yung MoA, sa min yun."
"Ilipat niyo nga yan sa channel 20." sabi nung bata sa papa ko. Aba, TV mo? Hanep to'ng batang 'to, walang GMRC!
"Wala kaming 20, eh." sabi ng papa ko, "Wala kaming cable eh."
"Ano ba naman yang TV niyo!" sabi niya na siya pa naiinis sa bahay namin. Sana umuwi na lang siya at dun siya nanood ng TV sa kanila.
"Kami nga may Naruto pa eh." sabi ulit niya.
"Si Naruto?" sabi na naman ni Marvin, "Kilala ko yun ah...! Naglaban kami nun! Natalo ko nga siya, eh!"
"Eeeeeehhh...!" sabi nung bata.
"Pati nga si Spongebob kilala ko! Kapitbahay namin yun dati!"
Siguro dapat painumin ko ng vitamins si Marvin. Vitamins o tranquilizer. Hindi na ko natutuwa sa mga boses sa paligid ko habang nanonood ako. Gusto ko mag-enjoy, okay? Bakit ba kayo ganyan? T_T
Biglang nauwi sa usapan ng Naruto at sa kung anong dahilan ay kinailangan ko'ng magpakita ng picture ng cosplayer ng Naruto sa kanya para lang tumahimik na siya. Mahusay na cosplayer ang gusto ko ipakita kaya naman inopen ko ang picture namin nina Jill nung ToyCon 2008. Nag-cosplay kasi ng Naruto nun yung group nina Jin Joson, ang aking super idol of all time.
"NYAAAAAAAAAAAAAAAAAAK ANG PANGIT NIYA!" sabi ng bata sa tenga ko sabay duldol sa monitor ko sa mukha ni Jin Joson.
Parang gusto ko siyang hilahin sa buhok saka itapon sa labas ng bintana. Una, wag sana siyang sumigaw sa tenga ko. Kahit nung three years old ako, alam ko'ng bad manners yun saka alam ko'ng masakit yun sa tenga. Pangalawa, ayaw na ayaw ko'ng tinatawag na pangit si Jin Joson o kahit sino sa mga barkada niya dahil na-ka-ka-pi-kon. Kahit pa ba bata siya, gusto ko pa rin siyang itali sa cactus habang pinapakagat sa mga galit na hantik. Pangatlo, ayokong dinuduldol ang monitor ko dahil naiinis ako sa mga demonyong thumbmark sa screen pag gumagamit ako. Hindi naman NBI clearance ang monitor ko, bakit kailangan pa'ng duldulin ng daliri pag may tinuturo!? Hindi naman 'to touch screen!
Pinatay ko ang computer at umalis ako.
Part 1 of 13 lang ang napanood ko sa Rock Musical Bleach. Peste.
IKALAWANG PAGTATAGPO
Maliligo na dapat ako pero nalaman ko'ng wala ako'ng conditioner. Sa haba ng buhok ko, hindi ako mabubuhay ng walang conditioner. Magbubuhol-buhol kasi at magdidikit-dikit. At pag nangyari yun, mahirap suklayin. At pag mahirap suklayin, kailangan mo'ng pwersahin. At pag pwinersa mo, masisira ang buhok mo. At pag nasira ang buhok mo, pangit na. Ayoko nun. May-ari ng parlor ang mama ko. Hindi man napakaganda ng buhok ko, ayoko din maging pangit ang buhok ko. Sa haba nito, talagang kailangan ko ng conditioner kaya ayun, nakiusap ako kay Marvin na ibili ako ng conditioner (tutal nandun na siya sa bahay at late ako'ng nagsimulang gumayak).
Sa isang kwarto sa third floor ng isang building ako nakatira. Lumabas si Marvin at bumaba para bumili ng conditioner ko. Isang sachet lang naman. Malapit lang ang bilihan kaya mabilis lang. Saglit lang paakyat na siya ulit. Nasa hallway na siya papunta sa pintuan ng tinitirhan ko nung lumabas ang atribibong bata.
"Hello, friend!" sabi niya kay Marvin.
"Hello..." sabi naman ni Marvin. Alam niyang hindi ko gusto yung batang yun.
"Aalis kami ngayon eh." sabi nung bata kahit hindi naman tinatanong habang sumasabay maglakad kay Marvin papunta sa bahay namin. Naririnig ko pa lang yung boses niya papalapit sa pintuan namin, napipikon na ko.
"Aalis kami ngayon. Pupunta kami sa bahay naming isa. Madami kaming bahay, eh! Kayo isa lang ang bahay niyo! Wala kayong madaming bahay kasi MAHIRAP LANG KAYO! MAHIRAP LANG KAYO!"
Galabog ng pinto ang sunod ko'ng narinig.
Walang lingon-lingon at walang tanung-tanong na pinagsarhan ni Marvin ng pinto yung bata.
Eh ano ngayon kung bata siya? Wala naman siyang GMRC. Kawawang bata. Pesteng magulang.
Ang batang yun ay pumapasok sa isang presitihiyosong private school na siguradong may GMRC. At least napatunayan na nating hindi sa public school nanggagaling ang mga taong matapobre.
June 29, 2009
Ang Mayamang Batang Atribibo
Tags: Opinyon Pangyayari
About the Author
Simplest
Hello, I'm Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit. Nunc consectetur nulla id metus consequat convallis. Praesent fringilla nulla eget elit bibendum dictum.