“Pag ang pinalit niya sa’yo ay pangit sa’yo, you win the break-up game. Pag ang pinalit niya sa’yo ay yung parang supermodel na maganda, you lose the break-up game. Yung ex-boyfriend mo, pangit ang pinalit sa’yo so don’t worry, wala yan.”
Yung comment na yan ay narining ko mula sa isang VJ sa Myx bilang reaksyon sa kwento ng isang letter-sender tungkol sa paghihiwalay nila ng boyfriend niya at pinalitan siya agad ng iba na hindi naman daw maganda. Hindi ko maalala kung sino ang VJ na yun pero alam ko babae siya.
Babae siya.
Yun ang isa sa mga dahilan kung bakit mas lalong nakakapikon ang comment niya na yun. Bilang babae, inexpect ko na mas magiging sensitive siya pero hindi. That comment was uncalled for. Sa ibang salita, hindi na niya yun dapat sinabi dahil mas nakakasakit lang yung sinabi niya.
Bakit?
Round 12024! FIGHT!
Una sa lahat... Break-up game? Game? Kung nasubukan mo ng magkaron ng desenteng break-up, malalaman mo’ng hindi yun isang laro. At kung nagkaron ka na ng experience ng hindi desenteng break-up, aba e di mas lalo mo dapat hindi yun i-consider na game dahil lalo ka’ng magmumukhang bitter, loser at immature — na siguradong hindi mo gusto. Hindi ko maisip kung bakit niya naisip tawaging “game” ang “moving on process” ng break-up. Sa isang game, may isang talo at may isang panalo. At sa break-up game, ano ba ang premyo? Ang pride mo? Pride saan? Di ba masyado namang nakakahiya yung wala na nga kayo, pilit mo pa siyang kinukompetensiya sa mga walang kawawaang bagay? Mas nagmumukha ka’ng talunan dahil pinapabayaan mo pa siyang maapektuhan ang buhay mo’ng hiwalay na sa kanya. Wala na kayo. Dun natatapos yun. Sa puntong to, dapat asikasuhin mo na ang sarili mo dahil among other things, sarili mo na ang importante ngayon. Kailangan mo’ng mag-move on. Sino ba’ng nagsabing madaling mag-move on? At sino din ang nagsabing may steps to be followed ang pagmo-move on? May cycle siguro para sa karamihang sitwasyon pero hindi rin ito applicable sa lahat.
Hurt. Hate. Then you move on.
Hurt. Masasaktan ka, siyempre. Madalang ang break-up na walang sakit maliban na lang kung namanhid kayo sa isa’t isa. Oo, maaalala mo yung pinagdaanan at pinagsamahan niyo. Malulungkot ka. Iiyak ka. At paminsan parang magugunaw ang mundong ginagalawan mo at mararamdaman mo’ng isusuko mo na lahat, magkabalikan lang kayo. Mararamdaman mo ang urge na makipagbalikan pa sa kanya. Try mo one last time. Isa na lang. One last time.
Hep. Review mo yun.
One last time.
Ang last time ay hindi inuulit para maging last time part 1, part 2 at part forever. “Huli” ang ibig sabihin ng last kaya wag mo’ng gawing Lord of the Rings, Harry Potter o Shake Rattle and Roll. Pag naramdaman mo na wala ng pag-asa, wag mo ng ipilit. Kahit talunin mo pa ang dami ng episodes ng Dragon Ball kaka-hingi ng second chance o kakaasa, walang mangyayari kung wala na talaga. Paulit-ulit mo lang sasaktan ang sarili mo.
Umiyak ka, sige. Hindi yon masama. Ngayon, bukas, sa isang bukas... pero hindi sobra. Hindi isang bwan. Mahirap lulunin ng kalungkutan. Hindi ka niya babalikan kahit pa at lalo na pag mukha ka ng lamog na pechay.
Hate. Minsan naba-by pass to kung maganda at maayos ang naging hiwalayan niyong dalawa pero kung hindi, malamang sa hindi ay dadaan ka dito. Maiinis ka. Magtataka kung bakit mo ba siya nakasama, kung bakit mo siya niligawan o sinagot, kung pano mo siya natiis at marami pang “how the hell”.
Hindi mo dapat katakutan ang stage na ‘to dahil normal ‘to pero isa ito sa mga delikadong stage dahil dapat matutunan mo’ng kontrolin ang sarili mo’ng inis dahil pag hindi, ikaw ang kawawa. Sa ganitong dahilan kadalasan nag-uugat yung mga sitwasyong may nanggugulong ex. Nakakapikon ang mga ex na hindi maka-move on kaya pilitin mo’ng wag maging ganon.
Yung ginastos mo sa kanya, binigay mo sa kanya, ginugol mo sa kanya... Wala na yon. Wag mo ng singilin yung malaking bear na binili mo sa Blue Magic. Wag mo ng isa-isahin yung signature t-shirt na binili mo sa kanya. At wag mo ng bilangin ang lahat ng pangakong pinako niyo ng dalawa dahil nung oras na binili mo yung bear, nung oras na binigay mo yung shirt at yung oras na nangako ka rin, ginusto mo yun. Mahal mo siya nung oras na yun. Yun na yun. Magulo na ang kasalukuyan mo. Wag mo ng guluhin pa ang nakaraan mo. Isipin mo kung papano na lang aayusin ang hinaharap mo.
Kung may dapat ka ma’ng bawiin, yun yung parte ng sarili mo’ng binigay mo sa kanya at ikaw lang ang makakagawa nu’n.
And then you move on. Matatanggap mo din ang mangyayari. Mabilis para sa ilan, matagal para sa iba. Wag mo’ng ikumpara ang moving on period ng isang tao sa’yo. Magkaiba kayo ng sitwasyon.
Hurt. Hate. Then you move on.
Nasaan dun ang win?
Papano na yun naging game, sige nga?
Mirror, Mirror Of My Ex On The Wall
At kailan pa naging basehan ang pagiging pangit o maganda ng isang tao para malaman kung mahal siya ng partner niya o hindi?
Gabi na nun at nag-aayos ako ng files sa computer ko at nung narinig ko ang comment ng VJ na yun tungkol sa pagkatalo’t kagandahan, hindi ko napigilang tumingin sa TV. Hindi rin naman siya kagandahan sa paningin ko. Kulang siya sa kulay. Hindi ko gusto ang buhok niya. Hindi ko rin gusto yung smile niya dahil parang nakakaloko. Nakakabanas din yung gestures niyang paulit-ulit pati na rin yung intonation ng boses niya.
Kung yun ang pagbabasehan ko, ibig sabihin ba nun hindi na siya pwedeng mahalin?
Ako. Hindi ako maganda. Hindi ako cute. Hindi ako maputi. Hindi ako kikay. Hindi ako katulad ng ibang babaeng mahinhin. Hindi ako marunong mag-ayos ng sarili ko. Hindi ako marunong mag-make up ng sarili ko. At ang pananamit ko ay isang expression than just porma.
Kung yun ang pagbabasehan ng iba, ibig sabihin ba nun hindi na ko pwedeng mahalin?
Ibig sabihin ba nun, on the rebound ang boyfriend ko, niloloko niya lang ako at dapat na kaming maghiwalay habang maaga pa para matapos na ang kalokohan na ito?
Yun ang kalokohan.
Kung yun ang basehan ng isang successful relationship, bakit napakaraming artistang kumkuha ng annulment at divorce? Bakit may mga celebrity couples na nagbe-break? Dahil naghahanap sila ng mas maganda’t gwapo pa sa partner nila? Patunay lang yan ng katotohanang ang magaganda at gwapo ay nabibilang pa rin sa lipi ng tao na hindi perpekto.
Eh ano ngayon kung banlag ka kung napaka-caring mo naman sa partner mo? Aanhin mo nga kung may katawan ka ni Angelina Jolie kung wala ka namang ginawa kundi maglandi kahit may boyfriend ka na?
So what kung maliit kang lalaki kung napaka-gentleman mo naman? Para saan pa yung mukha ni Brad Pitt kung parati mo namang inuuna ang barkada mo kesa sa girlfriend mo?
Yung comment na naggaling sa pag-iisip na taliwas sa dapat ang nakakapikon talaga.
Naisip ba nung VJ na yun na may mga nanonood na mga hindi naman talaga mataas ang tingin nila sa sarili nila? May mga taong mababa ang self-confidece at self-esteem hindi dahil gusto nila kundi dahil na rin minsan sa kagagawan ng ibang walang pakundangan sa damdamin ng iba. Saka bakit? Yung palabas ba na yun ay para lang talaga sa mga magaganda’t mayayamang pwedeng magmaganda? Aba, eh di dapat dun sila sa cable na mamahalin magpalabas hindi sa local TV na open sa lahat ng tao. Nakakasaskit yung comment na yun. Nakaka-offend.
Ilang babae ba ang kilala ko’ng hindi naman maganda pero saksakan ng bait? Ilang lalaki ba ang kilala ko’ng hindi naman gwapo pero super sweet at napaka-gentleman?
At sige, let’s take it one step further...
Eh ano ngayon kung magaling sa kama ang partner mo? Bakit, hindi ba nalalaspag yan? Hindi ba nagiging redundant yan? Kahit gano kasarap ang sex, magsasawa ka din pag sawa ka na sa partner mo.
Ang physical na anyo ay never naging basehan para malaman mo kung mahal ka ng isang tao o hindi. Pag ginawa mo yan at mas maganda o mas gwapo ang ex ng karelasyon mo ngayon, habang buhay ka’ng malulunod sa aninong hindi mo kayang pantayan sa larangang napili mo. Mahalin mo ang sarili mo para mahalin ka din ng partner mo. Hindi ko sinasabi lang ng basta ang mga bagay na ‘to dahil ako mismo nakaramdam na ng ganito. Napakahirap ng pakiramdam na may pinipilit ka’ng pantayan pero hindi mo kaya dahil kahit ano’ng gawin mo, yan na ang itsura mo. Hindi dahil hindi ka superstar material eh hindi ka na dapat seryosohin. Makakakita ka ng magmamahal sa’yo kung pano ka dapat mahalin at aalagan ka kung ga’no ka talaga ka-importante.
Hindi lahat ng lalaki ay manyak at hindi lahat ng babae ay mapanghusga. Hindi lahat ng gwapo ay gentleman. Hindi lahat ng maganda ay mabait. Hindi lahat ng maputi ay malinis at hindi lahat ng maporma ay astigin. Sa katapus-tapusan, ikaw pa rin ang magdedesiyon para sa sarili mo kung ano at sino ba talaga ang gusto mo at hindi ang madlang nakapaligid sa’yo.
After Ex is Why? and See?
Maganda, pangit, mabait at mapagmahal. Alin ba talaga ang dapat unang tingnan at alin ba ang dapat na magkakasama? Sa totoo lang walang basic formula para diyan dahil magkakaiba tayo ng taste. Sa katapus-tapusan, pagdating sa break-up, ikaw ang pangunahing makakatulong sa sarili natin dahil nung naging kayo ng ex mo, ikaw ang nagdesisyon na pasukin ang relasyon na yun. Dapat lang na ikaw ang pumulot sa sarili mo. Susuportahan ka ng mga kaibigan mo, pamilya mo at ng Taong nasa taas pero kung ayaw mo naman tatagan ang binti mo, may katagalan ka ding lulugmok sa putikang mabaho at babangawin ka hangga’t hindi ka tatayo.
Mahalin at tanggapin mo ang sarili mo. Pahalagahan mo ang nasa paligid mo. Wag mo’ng ikumpara ang sarili mo sa iba. Hindi mo kailanganng mabuhay sa anino ng iba dahil may mga pagkakataong dapat sarili mo muna bago sila.
Lahat ng sinabi ko ngayon ay base sa mga nakita’t pinagdaanan ko. Hindi biro makipagbreak lalo na sa isang tao na ginawa mo’ng mundo mo at minahal mo malamang na higit pa sa sarili mo. Masasaktan ka, magagalit, magtatanong at malilito pero kung dahil lang dun ay sisirain mo ang kasalukuyan mo, hindi ka natalo sa Break-up Game. Tandaan mo, walang Break-up Game pero merong Game of Life and the break up is part of life so lose the battle to win the war.
March 9, 2009
The Break-Up Game?
Tags: Opinyon
About the Author
Simplest
Hello, I'm Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit. Nunc consectetur nulla id metus consequat convallis. Praesent fringilla nulla eget elit bibendum dictum.
0 comments:
Post a Comment