June 14, 2009

Hindi Masamang Maniwala Sa Jeepney Driver

Maaga akong nagpunta sa bahay ng friend ko sa Balagtas, Bulacan kaninang umaga. Kailangan ko kasing isauli ng maaga yung 2GB SD Card na hiniram ko dahil gagamitin niya sa camera. Dalawang sakay mula para makarating sa kanila. Dalawang sakay din pauwi. Nasa jeep kami ni Marvin pauwi habang hinihintay itong mapuno. Medyo matagal. Kami pa lang kasi ang sakay pero at least nasa unahan. May sumakay na babaeng naka-white at umupo sa likuran ng driver. Wala pa'ng ilang minuto, nagtanong siya bigla, "Manong, hindi pa ba kayo lalakad?"

"Trapik pa." sabi ni manong sabay turo sa mahabang pila ng mga sasakyan sa tabi namin. Gustuhin mang lumakad ng jeep, hindi rin pwede kasi nga trapik. Hindi siya makakasingit pa sa pila ng mga hindi umuusad na sasakyan. Nakita ko sa may rear view mirror na medyo napangiwi ang babae saka nagtext. Nung lumuwag na ang trapiko, saktong napuno ang jeep kaya lumakad na din. Salamat naman. Ang init na kasi.

"Manong, byaheng Sta.Maria 'to di ba?" biglang tanong ng babae.
"Oo." sagot ni manong.
"Nasa byaheng Sta.Maria na 'ko. Sumakay ako sa Bocaue crossing." sabi nung babae. May kausap pala sa telepono.

"Manong, dadaan 'tong Walter Mart, di ba?" sabi ulit ng babae.
"Ay, hindi."
"Pero byaheng Sta.Maria, 'to, di ba?"
"Oo."
"E di dadaan ng Walter 'to!"
"Hindi nga."

"Walang jeep na dumadaan sa Walter..." mababa ko'ng sabi.
"Walang jeep na dumadaang Walter..." ulit ni manong na parang narinig ang sinabi ko.

Totoo naman yun. Wala talagang jeep na byaheng Bocaue-Sta.Maria ang dumadaan sa Walter Mart. Bus ang kadalasang dumadaan dun at napakadalang ng jeep.

"Sabi ng nanay ko dadaan daw ng Walter 'to!" sabi nung babae.
"Hindi nga 'to dadaan dun." Sabi ni manong na kalmado pa rin.

Tiningnan ko ang babae sa rear view mirror. Hindi naman siya mukhang neneng. Tantya ko nasa fourth year high school hanggang first year college na ang edad niya.

"Pero di ba byaheng Sta.Maria 'to? Dadaan 'to ng Walter!" sabi pa ulit ng makulit na babae.
"Hindi nga..."
"Sabi ng nanay ko dadaan eh."
"Hindi nga 'to dadaan dun."

Gusto ko ng sumabat sa usapan. Naiinis na ko. Napakulit ng pagkakasabi niya. Hindi naman niya alam pala yung daan, bakit marunong pa siya sa nagmamaneho na araw-araw tinatahak ang rutang dinadaan niya? Sa puntong to, ibinaba na ng babae ang telepono.

"Dadaan po ba 'to ng Walter?"

HINDI NGA!!! Gusto ko ng titigan siya talaga kasi nakakairita na yung boses niya. Yung intonation na kala mo 50 pesos ang katumbas ng 7.50 niyang pamasahe!

"Sabi ng nanay ko dadaan 'to sa Walter."

Driver ba ang nanay mo? Bakit ang kulit mo? Buong buhay ko dito na ko sa Sta.Maria nakatira pero talagang walang jeep na dumadaan dun. Ilang beses ka bang inire ng nanay mo at ganyan ka kakulit? O baka naman nagmamagaling ka lang na wala ka namang alam? Sino ba nanay mo? Nag-plot ba siya ng mapa nitong bayan namin?

"Ibaba niyo na lang po ako sa Walter." sabi na naman ng babae.

Pakiramdam ko napupundi na 'ko sa kanya. Dapat dito sa BUS sumakay dahil BUS ang dumadaan dun. Malapit yun sa sakayan ng bus at babaan ng bus. Crossing yun. Puro tricycle ang dumadaan dun at halos walang jeep. Ang tigas ng ulo ng babaeng 'to. Dapat sa'yo sabunutan hanggang matauhan.

"Pwede kitang ibaba malapit sa Walter." sabi ni manong na kagulat-gulat na kalmadong-kalmado pa rin, "Tapos magtricycle ka na lang hanggang dun kasi ganun talaga ang ginagawa para makarating dun."

"Lalakarin ko na lang."
"Hindi mo kakayanin lakarin. Malayo!"
"Ibaba niyo ko dun sa pwede ko'ng lakarin!"

Ay, talaga naman, neng. Magkano ba sa palagay mo ang pinapasahod mo kay manong at ganyan ka? Pasahero ka po, hindi amo. Sino ka ba sa akala mo para magpa-special treatment ka pa? Feeling mo sa'yo to'ng PUJ? Hindi ka naman matanda. Hindi ka rin disabled. Atribida ka lang talaga. Parang ang sarap isoli ng pamasahe niya saka siya pagdesisyunin sa buhay niya mag-isa.

"Dadaan naman 'to sa tapat ng Walter, di ba!?"

P***r***s!! HINDI NGA SINABI!! Ano' ka ba!? Makulit o bobo o talagang bobong nagmamaganda!? Siya pa naiinis sa tono niya na yun eh kanina pa nga sinasabing hindi dadaan sa Walter yung jeep!!

"Bago lang ata kayong driver kaya hindi niyo alam, eh." ang naiinis niyang sabi.
"Iha, dito na ko tumanda."

Neng, IKAW po ang bagong pasaherong hindi alam ang daan pero nagmamarunong pa sa nakakaalam. Kanina, ruta lang ang pinaguusapan ngayon pinakelaman mo pa driving history ni manong. Kala mo kung sino ka'ng forever bumi-byahe ng papuntang Walter Mart, ah. Nagtatanong ka lang naman ng direction. Bakit ka ba nagmamarunong? Kung merong hindi nakakaalam ng daan, IKAW YUN. Gusto ko na sana magsalita kaso pinipigilan ako ni Marvin. Naisip ko kasi baka kung ayaw niyang maniwala kay manong, sa kapwa pasahero maniwala siya. Kasi naman, papano siya lolokohin ni manong eh ruta niya yun? Alangan namang ilihis pa ni manong ang daan para lang pagtripan siya. Ano 'to, gag show? Saka sa laki ng Walter Mart, imposibleng lumampas siya kung sakali ma'ng dumaan siya.

"Ibababa na lang kita sa malapit dun para sumakay ka na lang ng tricycle." sabi ulit ni manong. Bilib ako. Hindi pa siya nagpapakitang naiinis na siya.

"Lalakarin ko na lang." ang naiinis na sagot ng babae. Anak ng... Siya pa nainis!

"Malayo masyado, iha."
"Ayos lang." sabi niya na naiinis pa rin.

Kapikon.

Maya-maya bumaba din yung babae. Walang thank you. Walang babay. Walang kahit ano. Ni hindi man lang gumamit ng po at opo sa buong pag uusap nila. Hindi naman mukhang mayaman na first time namasahe. Mukha lang naman siyang ordinaryong mamamayan na pwedeng gulpihin ng kahit sino. Kung sakaling kulang ang pamasahe niya, hindi na rin ako naaawa sa puntong 'to kasi nakakainis siya eh. Ni hindi nga kagandahan ang cellphone niya, kung magsalita kala mo nabili niya yung jeep. Ang lakas ng boses. Nakakabanas. Hindi ko naintindihan kung bakit kailangan niyang makipagtalo ng bonggang-bongga.

Nu'n lang ako nakakita ng naliligaw na nagmamalaki. Kung nakarating man siya sa pupuntahan niya, bahala siya basta ang alam ko lang, hindi tanaw ang pupuntahan niya dun sa binabaan niya. Wala kaming binigay na landmark o directions. Bahala siya sa buhay niya.