June 10, 2009

Minsan Mahaba Ang Pila Dahil...

Kaninang umaga pumunta ako sa Dunkin Donut para dun mag-almusal. Para lang maiba at mag-feeling sosy kasi kahit pa ba may umusbong na Starbucks dito sa 'min eh malamang na presyo pa lang, malilimutan ko na ang gutom ko. Matagal na din kasi ako'ng hindi nakakapag-Dunkin Donut mula nung matapos ang school year.

Iced coffee at dalawang Choco Candy Sprinkle donut ang balak ko'ng orderin. Pagdating ko sa maliit na tindahan, may naunang nakapila sa akin. Ayos lang. Dalawa lang naman sila. Dalawa din yung nagseserve. Hindi naman siguro ako matatagalan nito. Medyo naglalaway na din kasi ako sa matamis nung oras na yun. At dahil dalawa yung nagseserve, sabay na naka-order yung dalawang nauna sa kin.

Yung babae umorder ng tatlong donut for take-out saka nagbayad at umalis. Yung lalaki naman umorder ng isang donut, isang Bunwich at isang iced coffee. Inaabot ng ilang minuto ang pagpre-pare ng iced coffee at Bunwich kaya yung isa sa dalawang service crew eh umalis para iprepare na ang inorder. Mabilis namang inenter ng babae ang order niya sa cash register.

"77 pesos po, sir."

Tumango ang lalaki.

Ayos. Makaka-order na ko...

...Akala ko.

DAHAN-DAHANG dumukot ang lalaki sa kanyang bulsa at DAHAN-DAHANG inilabas ang kanyang coin purse. DAHAN-DAHAN din niyang binuksan ang zipper ng coin purse at saglit na tinitigan ang lamang bills na nakatupi sa loob. MAS DAHAN-DAHAN niyang hinugot ang isang bente at hinawakan ng isang kamay. DAHAN-DAHAN ulit niyang hinugot ang isa pang bente at hinawakan ulit sa isang kamay. DAHAN-DAHAN pa siyang humugot ng isa pang bente at pinahawakan sa isang kamay na may hawak na kwarenta. Yes, isang bente na lang! DAHAN-DAHAN niyang kinuha ang pinakahuling bente. Pinahawakan niya sa isang kamay niya ang huling bente at DAHAN-DAHANG sinara ang zipper ng coin purse.

Hindi naman siya mahinhin kasi iba ang mahinhin, eh. Talagang NAPAKABAGAL at NAPAKALAMYA niyang kumilos pati sa pagdukot ng bills. Para ako'ng na-time space warp. Gusto ko na ngang tanungin sa ibang tao kung ako lang ba ang nakakapansin sa pagbagal ng oras kaso normal naman ang kilos namin. Siya lang talaga yung parang gumagalaw sa saliw ng tugtog na Unchained Melody o sa pagra-rap ni Kuya Cesar. Hindi naman siya mukhang may sakit. Hindi rin siya mukhang robot para kulangin sa gasolina. Baka naman may fast forward switch o kaya may 1, 2, 3 na parang sa electric fan.

Balik tayo dun sa lalaki... Aakalain niyong tapos na sana ang paghihirap ko sa paghihintay at panonood sa kanya pero hindi pa pala!! Pagkatapos DAHAN-DAHANG isara ang coin purse ay DAHAN-DAHAN niya itong ibinalik sa kanyang bulsa. Pagkatapos nun, DAHAN-DAHAN niyang inunat ang unang bente. Tapos DAHAN-DAHAN din niyang inunat ang ikalawang bente, ikatlo at ikaapat. Parang gusto nang hablutin ng babae yung pera sa sobrang tagal niya. Ako naman hindi ko na mapigilang titigan ng maigi ang ginagawa niya kasi para ka'ng nahi-hypnotize ng kabagalan ng kilos niya. Pagkatapos niyang ihilera ang mga bente eh pinagpatong-patong niya saka ini-abot sa kahera. Naririnig ko na ang sarili ko'ng sumisigaw ng, "CONGRATULATIONS, KUYA!! NAGAWA MO!! LEVEL 2 KA NA!! AGILITY + 10!!"

Maiisip mo'ng ganun talaga siya kabagal siguro at hindi sana ako mapapaisip at medyo mapipikon kaso biglang nagring ang cellphone niya. Bigla ding NAPAKABILIS niyang dinukot ang cellphone niya sa bulsa at binasa ang text niya.

Naks, nag-level up nga ata!

Handa na ko'ng maniwalang "NAYARI" ako o "NA-WOW MALI". Hinihintay ko na nga lang na may lumapit sa kin eh. Pano naman kasi ayaw pa'ng umalis ng lalaki sa pila habang binabasa ang text niya. Tinanong na ko ni ate kung ano'ng order. Nun pa lang nakahalata ang lalaki at kinuha ang tray niya at pumunta sa mesa para dun kumain. Maayos naman niyang nakuha yung tray at hindi naman siya nagmukhang Tamiya na low-batt nung papunta sa mesa niya kaso paglingon ko sa likod ko, madami nang tao. Mahaba na yung pila.

Ang weird ng umagang to kaya sabi ko sa sarili ko, "Pag-uwi ko mamaya, ibo-blog ko 'to."

Kaya tandaan: Hindi langing customer service ang dahilan kung bakit mahaba ang pila. Makisama tayo kay Shaider habang inililigtas niya ang mundo... TIME SPACE WARP, NGAYON DIN!!