Pokpok.
Brutal na salita. Isa yan sa mga pinakamatinding bansag na makukuha ng isang babae. Parang kahanay mo ang mga mamamatay-tao. Minsan mas masahol pa.
Pokpok. Adik. Magnanakaw. Malandi. Mang-aagaw. Bastos.
Yan at madami pa'ng iba ang mga salitang ginagawang bansag ng lipunan sa kapwa nila. Pare-parehong masama ang kahulugan. Pare-parehong hindi magandang pakinggan. Pero dahil ba ganito ang isang tao, ibig sabihin masama na siya?
Ipopost ko ito ngayon hindi para gumawa ng bagong paniniwala o baluktutin ang mga prinsipyo. Ipopost ko to ngayon para mabigyan ng linaw ang mga bagay na hindi pinag-uusapan dahil sa takot, kaba o pagka-ilang. Ipopost ko to ngayon hindi para gawing tama ang mali o gawing mali ang tama o para manghusga ng mga taong nambabansag o binabansagan. Nandito ako ngayon para isalaysay ang palagay ko'ng kabilang mukha ng isang kwento hindi lang ng nachihismis na pokpok kundi pati ng adik, magnanakaw, malandi, mang-aagaw, bastos, mamamatay-tao at iba pa.
Sino nga ba talaga ang masama?
----------------
"Uy, kumusta?" sabi ng isang nakatatandang babae sa isang dalagang may kasamang lalaki.
"Kumusta?" sagot ng dalaga.
"Nanganak ka na ba?" sabi ng nakatatandang babae. Bahagya't sandaling nanlaki ang mga mata ng dalaga, nagpipigil na magtaas ng kilay sa narinig niya at sumagot, "Hindi po ako buntis."
"Oh, e, di ba nag-asawa ka na?" ang sabi ulit ng babae na parang siya pa ang nainis.
Sa puntong to lumingon na papalayo ang kasamang lalaki ng dalaga.
"Hindi po ako nag-asawa."
"Wuuuuh, eh bakit iba't iba ang kasama mo'ng lalaki maya't maya?"
Hindi alam ng ale na puro lalaki ang pinsan ng dalaga. At hindi rin niya alam na puro lalaki din ang mga kabarkada niya dahil yung mga babae ay nagsilipatan na papuntang Maynila para mag-aral. Siya lang ang natira dito sa Bulacan. Yung lalaking kasama niya ng mga oras na yun ay crush niyang hindi niya maka-close at ngayon lang niya nakasama. Manliligaw na sana sa kanya pero mukhang na-turn off na.
Yun talaga ang totoo pero hindi yun alam ng ale. Ang totoo nga eh nakikita niya lang yung babae na iba't iba ang kasama at kwinento lang sa kanya ang panganganak at pag-aasawa nung dalaga.
Ngayon, sino sa palagay niyo ang masama dito?
----------------
Nakakainis, di ba?
Ano nga ba ang nagiging basehan ng tao sa pagbabansag sa iba? Dahil sa mga ginagawa niya? Sa itsura niya? Sa pinapakita niya? Sabi nila, kung ayaw mo'ng mabansagan ka'ng masama, wag kang gagawa ng masama. Papano yun eh magkakaiba ang pananaw ng tao sa masama at hindi?
Tulad ko. Walang problema sa mama ko kung puro lalaki ang barkada ko basta't wala ako'ng ililihim and I can honestly say na hindi ako nagsisinungaling sa kanya because she lets me be me — flaws and all. Kino-correct ang mali at pinagsasabihan pero hindi sinasakal. Ayos lang din sa kanya kahit akap ako ng akap sa mga pinsan ko'ng lalaki dahil pinsan ko naman yun at sabik ako sa tao at paminsan lang kami magkita. Iisang anak kasi ako. Ayos lang din sa kanya yung naka-shorts ako (hindi yung ga-panty na shorts ha. Short lang na maiksi) dahil sabi niya, long-legged naman daw ako. Ayos lang din mag-sleeveless lalo na pag mainit at may karapatan ako'ng gumawa ng sariling fashion statement.
Pero pano ang madla?
Hindi nila alam na pinsan ko ang lalaking inaakap ko sa tagal naming di nagkita. Hindi nila alam na halos puro lalaki ang barkada ko sa school dahil sila ang kasundo ko. Hindi nila alam na mainit kaya ako naka-shorts o sleeveless. Hindi nila alam na kokonti lang ang damit ko'ng panglakad o hindi ako nakakapaglaba ng madalas. Hindi nila alam ang kwento pero sa kanila, sapat na yun para bansagan ako'ng kaladkaring babae.
Minsan ako'ng may nakilalang isang babaeng mabait. Nakakatuwa siyang kasama. Wala siyang pinipiling tao at down-to-earth siya. Kwela siya at masaya talagang kasama. Madaling sakyan ang mga jokes niya at mahilig din siya sa animé. Nung minsang may problema ako'ng sinasarili, binati niya ko at ngumiti ako. Napansin niya na para ako'ng peke daw ngumiti. Tinanong niya kung ano'ng problema. Natuwa ako dahil may bago ako'ng friend hanggang sa kinausap ako ng isa sa mga kamag-anak ko na lumayo sa babaeng yun. Wag na daw ako sumama dun.
"Bakit?"
"Pokpok daw yan."
"Sino may sabi?"
"Yan ang sabi-sabi dito."
Wala ako'ng naisagot. Yun ang isa sa mga pagkakataon sa buhay ko'ng pinagsisisihan ko. Dapat tinanong ko "eh ano ngayon?" Mabait siyang tao. Wala siyang minamata. Simple siya at masayahin. Hindi siya tahimik na babae. Tumatawa siya ng hindi nagtatakip ng panyo pero ano naman ngayon? Alam niyo ba'ng hindi ko basta dinadala ang problema ko kung saan-saan? Ayokong pinapakita sa ibang taong may problema ako pero sa kung anong dahilan, napansin niya agad.
Hindi ba yun sign ng pagiging mabuting tao? Dapat ba ko'ng lumayo sa kanya? Para ano? Isalba ang sarili ko?
Naiinis ako dahil pinalampas ko ang pagkakataong patunayan sa mga taong hindi totoo ang sinasabi niya. Hindi ako superhero, PR o politician pero kahit papano, sana may ginawa ako. Pinagsisisihan ko'ng wala ako'ng ginawa.
Minsan naman nasa Bocaue kami sakay ng isang van nang magsalita ang isang babae sa loob ng sasakyan.
"Kita niyo yung babaeng naka-pink?"
"O, ano yun?"
"Alam niyo ba'ng pokpok yun?"
"Ooooooowwwwsssss!? Talaga? Pano mo nalaman?"
"Sabi sa kin. Saka alam niyo ba may mga anak na yan?"
"Haaaaa!? Eh bakit di pa siya tumigil!?"
"Ewan natin."
"Eh di yung mga anak niya siguro eh galing sa iba't ibang lalaki?"
"Kawawa naman yung mga bata."
"Kaya siguro andiyan, naghihintay ng customer."
Nilaksan ko na ang pakikinig sa mp3 ko sa cellphone nung mga oras na yun. Tama ba namang sabihin yun? Sabihin na nga nating pokpok siya. Gusto niya ba yun? Siguro sabihin na nating mali ang magbenta ng laman pero masasabi niyo ba yun sa isang inang nakikitang nagugutom ang mga anak niya? At sabihin na nating sa iba't ibang lalaki ang mga anak niya. Mas magiging maayos ba'ng tingnan kung ipinalaglag niya isa-isa para lang hindi siya pag-usapan ng iba?
Sabihin na nating pokpok siya at nakikipagsiping sa madaming uri ng lalaki makailang ulit sa ilang gabi pero kung naging mabuti naman siyang ina, kapatid, anak at kaibigan?
Nasabi ko na 'to noon sa isang post ko at sasabihin ko ulit ngayon:
Kung ang Diyos, handang iligtas ang Sodom at Gommorrah kung may iilang hiblang mababait na tao sa lugar na yun, bakit ang tao agad itinatakwil ang kapwa sa iilang kamalian nito?
----------------
May isang babaeng matalino. Mabait siya. Anak siya ng isang pamilyang hindi hirap sa buhay pero hindi rin naman may-kaya. Nag-aaral siya sa isang prestihiyosong kolehiyo at madami siyang kaibigan. Wala pa siyang naging boyfriend. Ipinagmamalaki siya ng kanyang mga magulang. Sino ba namang hindi magiging proud, di ba?
Magiging proud din kaya sila kung malalaman nilang hindi na virgin ang anak nila? Na nakakasiping niya ang kanyang boyfriend? Na ginawa na nila makailang ulit? Ay teka, hindi nga pala nila alam na may boyfriend siya, no? Ngayon, sabihin niyo sa kin, masama ba siyang estudyante? Masama ba siyang anak? Masama ba siyang babae? Masama ba siyang tao?
Siguro sasabihin niyong sinasayang niya ang pagkakataon niya. Na napakabait ng magulang niya para magtago siya ng ganung lihim at gumawa ng ganung bagay. Isa yang normal na reaksyon mula sa mga miyembro ng lipunang nakakagisnan ng lahat at karamihan sa atin ay ganun. Hindi ko kayo masisisi pero tingnan natin ang kabilang kwento.
Napakalaki ng nagagawa ng expectations ng iba. Pag may malaking expectations ang mga mahal mo sa buhay, ginagawa mo ang makakaya mo para marating yun hindi dahil gusto nila kundi dahil gusto mo. At dahil mahal mo sila, gusto mo'ng maging masaya sila. Iba ang nararamdaman mo pag may nakikita ka'ng may kasama ka'ng masaya dahil sa tagumpay mo. At dahil dun, pag may sumusulpot na interes sa buhay mo na taliwas sa nakagisnan, nalilito ka. Gusto mo'ng sundin ang puso mo pero natatakot ka sa sasabihin ng iba kaya gagawin mo ito ng palihim.
Oo nga, hindi sinabi sa kanya ng magulang niya na wag siyang mag-boyfriend pero dala na din ng pagmamalaki nilang wala siyang boyfriend kaya siguro siya na-pressure. Hindi na dapat kinukwento ang kawalan ng boyfriend o girlfriend ng isang tao dahil buhay niya yun — kahit pa ba magulang ka niya. Lahat ng tao may private space — pati ang mga anak.
Masama ba ang mga magulang niya? Hindi. Dahil hindi nila alam na may ganung problema ang anak nila. Masama ba siyang anak? Hindi. Dahil baka kahit siya, hindi rin niya alam na problema na pala yun. Normal yung ginagawa ng ibang ka-edad niya kaya hindi yun problema. "Sabit" lang ang tawag dun.
Hindi masasamang tao ang mga magulang niya. Hindi din masamang tao ang babaeng estudyante. Yun nga lang, pagkakataon na din ang nagdala ng ganung sitwasyon. Hindi yun ginusto ng kahit sino sa kanila. Nangyayari ng mahirap pigilan.
"Mahirap pero dapat pigilan ang ganun".
Dapat sinabi na niya. Dapat mas naging maingat ang magulang niya. Dapat ganito. Dapat ganun.
Oo pero ang DAPAT ay iba sa KAYA.
Intindihin mo'ng hindi lahat ng tao ay may matatag na isip at ang ilan ay nadadala sa agos ng kalituhan. Katulad din 'to ng katotohanang hindi tayo lahat ay mahusay kumanta at hindi tayo lahat pwedeng maging presidente ng Pilipinas.
----------------
Merong isang lalaking basagulero. Nang-uupak yun sa daan pag natingnan ng masama. Nanggugulpi ng mas bata o mas maliit sa kanya. Hindi siya nakatapos ng kolehiyo. Halos hindi makatapos ng high shcool at walang interes matutong magbasa o magsulat nung bata pa siya. Ayaw niyang mag-aral. Babaero siya. Wala siyang sineseryosong babae lalo na pag mapeperahan o papayag na mai-kama.
Galit ako sa babaero. Galit ako sa manggagamit. Galit ako sa sinungaling. Galit ako sa manloloko kaya palagay ko, Ang Nasa Taas na talaga ang may gustong unawain ko ang taong ito.
Bakit?
Dahil mabait siyang kaibigan. Hindi ka man niya mapahiram ng pera, nandiyan siya kapag kailangan mo kahit ngumawa ka hanggang ala una ng madaling araw. Mahigpit siyang umakap ng tunay. Mabait siyang anak. Mabait siyang apo. Kahit paulit-ulit siyang napapabaranggay, naiintindihan niya ang lungkot na nabibigay niya sa mga nasa paligid niya.
"Kung naiintindihan niya yun eh bakit siya ganun?"
Lumaki ang lalaking ito sa magulong mundo. Sa magulong lugar ng mga walang pinag-aralan. Parating sinasabi sa kanya sa murang edad na 5 na hindi niya kailangang mag-aral.
"Tingnan mo ako. Hindi ako nakatapos pero nakakakain naman ako araw-araw." sabi sa kanya.
"Upakan mo agad bago ka pa maunahan. Buti na yung ikaw ang mauna."
"Wag ka'ng papaargabyado. Sige lang, banatan mo."
Bata pa siya, yun na ang kinamulatan niya. Hindi rin nakatulong ang nakikita niyang pambababae ng nakatatanda sa kanya nun. Hindi nakakatulong na iba't ibang mga babae kasama ng kanyang mga tiyuhin at pinsan pag nakikita niya na walang damit sa umaga.
"Nakita ko si tito saka yung isang ninang na gumising kanina kaso bakit sila nakahubad?"
Papano mo sasagutin ang tanong na yan, sige nga? Ano sasabihin mo? "Ah, mainit kasi." Ganun ba?
Siguro sasabihin niyo na malaki na siya. May sarili na siyang isip. Dapat alam na niya ang tama sa mali. Oo, may punto 'to pero napaka-logical na nito para magawa. Mahirap ibahin ang nakasanayan. Sobrang hirap lalo na paghinuhusgahan ka ng ibang tao. Sa mundo niyang kinamulatan, ito ang ginagawa ng lahat. Ito ang nakita niya.
Pero hindi porke't ginagawa ng nakararami, ibig sabihin tama na yun.
Exactly.
Pag nauso ang patayan, hindi ibig sabihin tama ang pumatay.
At yan ang dahilan kung bakit ko sinulat 'to.
MADAMI ANG MAPANGHUSGA PERO KAILANMAN, HINDI YUN NAGING TAMA. KUNG HINDI NIYO ALAM ANG TUNAY NA KWENTO, TUMAHIMIK NA LANG KAYO.
October 31, 2009
Ang Katotohanan Sa Likod Ng Chismis Ng Pagiging Pokpok
Tags: Madamdamin Opinyon
About the Author
Simplest
Hello, I'm Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit. Nunc consectetur nulla id metus consequat convallis. Praesent fringilla nulla eget elit bibendum dictum.