June 1, 2009

Krungkrung Kabute

Kumusta? Welcome sa Kwentong Kabute — ang Tagalog ko'ng blog. Ibig sabihin, lahat ng post ko dito puro Tagalog. Sa mga hindi nakakaalam kung ano ang kabute, sa Ingles, mushroom po ang tawag do'n. Bakit "Kwentong Kabute"?

Kabute kasi kadalasan ang tawag ko sa sarili ko. Isa ako'ng kabute na may alagang marshmallow na *squish, squish* lang ang sinasabi pero madaming ibig sabihin.

Kabute siguro dahil pasulput-sulpot ang ideya ko. Minsan nandiyan, minsan wala. Ngayon nandito, mamaya wala na. Nakakainis din para sa kin ang mga ganung sitwasyon dahil paminsan, may gusto ako'ng isulat pero hindi ko magawa dahil sa mga sitwasyong hindi maiiwasan tulad ng pagiging nasa kalagitnaan ng klase, sa loob ng umaandar na sasakyan o paminsan, kahit alas tres ng madaling araw pag naalimpungatan at nahihirapan ng matulog ulit.

Kabute dahil kung anu-ano lang ang naisusulat ko. Hindi ako katulad ng ibang blogger na naka-focus sa isang topic ang blog tulad ng pelikula, telebisyon, showbiz, animé at kung anu-ano pa. Ang blog na 'to, kung anu-ano ang laman katulad ng dami ng uri ng kabuteng matatagpuan natin sa mundo.

Kabute dahil iba't iba ang impact sa tao. Merong kritikal. Merong wala lang. Merong masarap. Merong nakakabanas. Hindi mo alam kung ano ang magiging epekto sa'yo ng kabute hangga't hindi mo tinitikman dahil paminsan, kahit marunong ka'ng tumingin, hindi mo alam baka sumablay ka rin.

Kabute dahil madalang makita. Hindi pinagkakaguluhan. Hindi pinapansin. Paminsan nga pinapatay pa.

Kabute dahil madaming kulay. Madaming hugis. Madaming mukha.

Sari-saring kabute.

Sari-saring kwento.

Welcome sa mundo ng kabuteng katulad ko.


P.S.
"Squish, squish!" sabi ng marshmallow ko.

0 comments:

Post a Comment