Maingay ang hallway nung mga oras na yun pero sa kung anong dahilan parang wala na siyang naririnig. Dahil ba sadyang madami siyang iniisip sa sandaling yon o dahil masyado siyang abala sa pag-tutok ng atensyon niya sa iisang bagay na mahalaga?
"Aalis ka ba talaga?" Sabi sa kanya ng isang lalaki sa tabi niya kung saan kanina pa nakapako ang paningin niya, "Bakit ka aalis?"
Hindi niya na alam kung ilang ulit na siyang napupundi sa paghahanap ng sagot sa tanong na yun. Hindi sa mahirap sagutin kundi alam niya kung bakit niya gustong umalis pero hindi niya lang maipaliwanag kung bakit. At nakakainis pag merong mahirap ipaliwanag dahil paulit-ulit ka nilang tatanungin. Nakakainis sumagot pero nakakainis ding hindi sumagot. Hindi na niya alam kung saan siya lulugar.
"Bakit ka aalis?" Inulit pa talaga.
"Sino'ng aalis?" sabi ng isa pang lalaki mula sa likuran. Hindi na siya nag-abalang lumingon habang pinakikinggan niya ang mga yabag na papunta sa kanila. Saglit siyang tumingin sa bagong dating na lalaki na nakatitig na sa kanya na para ba'ng tinatanong, "Ikaw ba ang aalis?"
"Sabi niya aalis siya." sabi ng lalaki kanina.
"Aalis ka?" sabi ng bagong dating na lalaki.
Wala ng diperensiya sa kanya ang mga tinig nila hindi dahil sa may saltik ang tenga niya kundi siguro dahil ayaw ng mag-isip pa ng utak niya ng mga bagay na mabababaw tulad ng ganun.
"Kasi..." simula niya. Mahirap maghanap ng mga salita kahit pa ba paulit-ulit na din siyang tinatanong tungkol dito, "Kasi... Hindi na sila... kayo... masaya..."
"Kami?" sabi ng unang lalaki na nakataas pa ang kilay, "Hindi KAMI masaya? KAMI?"
Pinigil niya ang isang buntong-hininga.
"Ako. Hindi na rin ako masaya." sabi niya.
"Hindi ka na talaga masaya?" sabi ulit ng unang lalaki na may halong taka, lungkot at lito, "Hindi na? Bakit hindi na?"
Hindi siya sumagot.
"Hindi sa hindi na masaya... Kaya lang naman ako aalis..."
"Sino'ng aalis?"
Isa pa'ng boses. Nakakainis na. Tatlo na ngayon ang kausap niya. Gusto niyang magkamot ng ulo habang nakikita niyang papalapit ang isa pang lalaki mula sa kaliwa.
"Ito daw." sabi ng dalawa sabay turo sa kanya.
"Bakit ka aalis?"
Ikatlong tinig na ikatlong beses na nagtanong. Nakakasawa na sumagot.
"Hindi na daw siya masaya." sabi ng isa.
"Hindi na rin daw tayo masaya." sabi ng isa pa.
"Ganon?" sabi ng ikatlo.
Mahirap magpaliwanag. Alam niya kung bakit gusto niyang umalis at kung bakit siya aalis. Hindi niya lang masabi ng tama. Hindi niya maipaliwanag.
"Hindi ko alam kung ano talaga ang dahilan mo. Mahihirapan kami kung aalis ka..." sabi ng ikatlong lalaki ng hindi man lang tumitingin sa kanya, "Pero kung mas nahihirapan ka naman kung nandito ka, siguro mas mainam nga kung umalis ka."
Hindi niya maipaliwanag...
"Wala namang problema dun. May babalikan ka pa naman dito kung gugustuhin mo."
"Hindi lang naman yun kung gusto ko o hindi. Hindi ko ugaling isiksik ko ang sarili ko sa—"
"Look, hindi ko alam yung sa iba..."
Hindi niya maipaliwanag kung bakit...
"... Pero ako gusto ko nandito ka."
Hindi niya maipaliwanag kung bakit gusto niyang umalis...
"Gusto ko nandito ka."
"Para ano?"
"Para nakikita kita..."
"Dahilan na ba yun?"
"Sa kin dahilan yun." sabi niya ulit sabay tingin sa kanya, "Kailangan ko pa ba'ng ipaliwanag ang dahilan nila?"
Hindi siya agad nakasagot. Pansamantalang nakarating sa tenga niya ang ugong ng kapaligiran pero bigla na din itong tumahimik. Dahil ba sa dami ng kanyang iniisip? Dahil ba sa iisang bagay na pinagtutuunan niya ng atensyon? Hindi.
Dahil sa isang pares ng mga matang nakatingin sa kanya ngayon.
Nakakatawa at nakakapagtaka kung bakit at pano'ng isang titig lang ang nakakapagpatahimik ng mundong magulo.
Hindi niya maipaliwanag ang dahilan ng balak niyang pag-alis dahil alam niya kung bakit niya gustong gawin yun pero kasabay nun, alam din niya kung bakit ayaw niyang umalis.
"Wag ka ng umalis." sabi ulit ng unang lalaki na nakapukaw ng diwa niyang lumalakbay na sa kaiisip, "Gusto ko nandito ka din."
"Ako din gusto ko nandito ka. Dito ka na lang..." sabi ng ikalawa.
"Wag kaya kayong gumaya ng linya?" sabi ng ikatlong lalaki sabay lingon, "Nag-uusap kaya kami?"
------------------------------------
Sinadyang maiksi.
Xairylle (c) 2009
April 2, 2009
Dahilan
Tags: Madamdamin
About the Author
Simplest
Hello, I'm Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit. Nunc consectetur nulla id metus consequat convallis. Praesent fringilla nulla eget elit bibendum dictum.
0 comments:
Post a Comment