June 5, 2009

Ang Pag-aalaga Sa Isang Halimaw

Awa.

Yan ang nagiging pangunahing dahilan kung bakit paminsan may mga taong nagpapalaki ng halimaw. Depressed siya. Malungkot. Down. Suicidal. Awa ang kadalasang naitutugon sa mga ganyan at awa ang isa sa mga bagay na napakahirap alamin kung sobra na o tama lang. Araw-araw mo'ng pakikinggan ang problema niyang paulit-ulit at araw-araw din siyang dadaing. Araw-araw mo'ng ipapahiram sa kanya ang balikat mo at araw-araw din siyang sasandal sa'yo.

Sa bawat pagkakataong matutumba siya, itatayo mo ulit. At sa bawat pagtayo na lang, andun ka. Hindi na siya natutong tumayo mag-isa dahil nga parati mo siyang itinatayo. Kung hindi man ikaw, isa sa inyong magkakaibigan.

Ayos lang dahil magkakaibigan kayo. Normal lang sa magkakaibigan ang magsaluhan at magtulungan.

Parati.

Pinapalampas niyo ang kamalian dahil baka madami siyang problema. Hindi niyo na siya hinihingian ng sorry o ng paliwanag dahil inuunawa niyo siya. Papano na siya pag wala kayo?

Ganun talaga ang magkakaibigan. Nag-uunawaan.

Parati.

Parati na lang ba talaga?

Hindi natatapos ang pakikipagkaibigan sa tawanan at damayan. Sinasaklaw din nun ang prangkahan, ang pagpapaluha kung kinakailangan. May mga katotohanang hindi naiintindihan hanggang hindi nararamdaman. May mga pagkakataong hindi ka dapat nag-aabot ng kamay para itayo ang iba. May mga pagkakataong dapat sapat ng makita ka niyang nakatingin sa kanila para tumayo siya.

Isang araw, dedepende siya sa'yo dahil ganyan ka sa kanya. Sasaluhin mo siya ng sasaluhin. Iiyak siya ng iiyak. Magmamaktol nang magmamaktol. Tutulungan mo nang tutulungan. Itatayo mo nang itatayo. Bubuhatin mo nang bubuhatin hangga't sa mapagod na ang braso mo.

Kawawa naman.

Kawawa ka naman.

Mauubusan siya ng gagawin hindi dahil hindi niya kaya kundi dahil ayaw na niya. Kung tutuusin hindi mo siya obligasyon. Tinutulungan mo siya dahil naaawa ka sa kanya pero hindi mo naisip maawa sa sarili mo. At pag naisip mo'ng tama na, sobra na, huli na pala. Pag tumigil ka sa "kabaitan" mo, ikaw na ang masama. Ikaw na ang walang kwenta. Ikaw na ang walang konsiderasyon.

Hindi na siya pwedeng magkamali dahil isasangkalan niya ang sitwasyong niyang dahilan ng lahat.

Kasalanan mo din naman. Ang pag-aalaga mo sa kaibigan ay naging pagpapalaki ng halimaw.

Bakit? Dahil natakot ka ba na matapos ang pagkakaibigan ninyo pag nagsabi ka ng totoo? Dahil ba ayaw mo'ng may kaaway? Bakit? Makikipag-away ka ba?

Kaya ba mas pinili mo'ng mag-alaga ng halimaw na kumakain ng awa?

Ngayon papano mo papatayin ang alaga mo'ng ikaw mismo ang bumuhay? Ang alaga mo'ng hindi nakikinig. Ang alaga mo'ng sarado na ang utak. Ang alaga mo'ng humihingi ng awang hindi mo maitanggi; awang hindi mo kayang ibigay. Ang alaga mo'ng marunong nang bumaluktot ng salitang mapaglambing para pasunurin ka.

Lalayo ka. Ikaw na ang masama. Ikaw ang walang kwenta. Ikaw ang hindi marunong umunawa. Kakainin ka ngayon ng halimaw na walang utang na loob na matapos mo'ng alagaan ay walang awa ka'ng huhusgahan at gigisahin sa mantikang ikaw pala mismo ang naghanda nang di mo nalalaman.

Kung hindi mo kayang harapin man lang ang halimaw na pinalaki mo, mas lalong hindi mo siya kayang patayin. Yan na ang halimaw na pinalaki mo at kung ayaw mo'ng tuluyan ka niyang lamunin, layuan mo siya. Tandaan mo lang, NASA SA'YO NA KUNG MAG-AALAGA KA PA NG ISA PANG HALIMAW NA KUMAKAIN NG AWA.