"Araw Ng Kalayaaaaaaaaaaaaan!" Sagot agad ni Karen na pang-Little Miss Philippines.
Waw. Naturuan ng maayos. Nakikinig sa teacher. Mainam, mainam. Ako naman si bruha, bumanat ako ng, "Ano ibig sabihin non?"
"Malaaaaaaaaaayaaaaaaaa! Walang pasok!" Mabilis na sagot ni Karen.
Natawa na lang ako.
Si Karen ay five years old. Kakasimula pa lang niyang pumasok sa eskwela nung June 1 at ito ang una niyang "holiday".
---
"Ay!" ang nagugulat ko'ng sabi kaninang umaga nung makita ko'ng puno ng bulaklak na may telang red, blue at white ang paligid ng maliit na monumento ni Rizal sa park sa tapat ng munisipyo kaninang umaga.
"Waaaw, araw nga pala ng kalayaan ngayon." sabi ni Marvin habang naglalakad kami sabay turo sa mga tao sa paligid, "Kakanta ata sila."
"Nung bata ako, masaya ako pag Independence Day." sabi ko.
"Dahil walang pasok?"
"Oo saka parang ang sarap maging Pilipino nu'n."
"Bakit?"
"Ewan ko. Basta nakaka-patriotic."
23 years old lang ako ngayon at yung kinukwento ko'ng panahon eh nun pa'ng 1994.
---
"Anak, ano'ng meaning ng walong sinag sa sun ng Philippine flag?" tanong sa kin ng tatay ko pagkatapos niyang makita yung Philippine Independence Day ad sa TV. Tumigil ako saglit magcomputer para sumagot at mag-inat.
"Yun yung walong... lalawigan..."
"Na nag-aklas?" tuloy ng tatay ko. Napasarap kasi yung pag-iinat ko kaya hindi ako nakasagot agad. Tumango na lang ako.
"Aling lalawigan yun?"
"Ewan, hindi ko kabisado..." sabi ko sabay balik sa computer habang nag-recite ng lalawigan ang tatay ko, "Ano yun eh... Bulacan, Pampanga, Cavite..."
Wala na siyang sinabi pagkatapos ng Cavite.
---
Bisperas ng Araw Ng Kalayaan nung nag-remake ako ng layout ng blog layout. Ewan ko ba. May gusto kasi ako'ng gawin na ayos ng blog ko na hindi ko magawa dahil hindi ko magawa lahat ng gusto ko. May limitasyon lang. May dalawang setting ang blog host na ginagamit ko. Yung una yung latest. Pipili ka lang ng gusto mo'ng itsura tapos click ka lang ng click pag may gusto ka'ng idagdag. Halos walang manu-manong coding. Isa pa, halos lahat ng mga bagong add-on o widget na nagsusulputan ngayon ay ganun ang sinusuportahan. De-install pa. Mas madali talaga siya. Kaso nga hindi ko makuha ang look na gusto ko. Hindi kasi ako sanay sa programming language na ginagamit dun kaya yung nagagawa ko, iba ang itsura sa ibang computer.
Tinamaan ng magaling na layout yan!!
Yung pangalawa ang ginagamit ko. Yung hindi latest. Yung luma. Yung una. Yung noon. Yung manu-manong coding bago mo makuha ang gusto mo. Pero kung ano'ng itsura ang gusto mo, yun ang makukuha mo — BASTA marunong ka magcode. Medyo mahirap lang magdagdag nung mga bagong add-on o widget dahil medyo mahirap intindihin yung paghahalo nung code nila sa code ko. Pero kahit na. At least ako lang ang may ganitong lay-out. Ako ang gumawa nito. Akong-ako. Kaya siguro kahit nahihirapan na ko'ng magcode at maglagay ng kung ano eh yun pa rin ang setting na ginagamit ko. Tutal, naisip ko, blog ko naman to. Site ko 'to at sa kin to nakapangalan.
NapakaXAI. NapakaAKO.
Matapos ang mahabang oras ng pagco-code, natapos din ang layout ko.
Sa upper right part ng layout ko, nandun ang isang square picture na may nakasulat.
"NO TO CON ASS."
---
Maligayang Araw Ng Kalayaan, Pilipinas!!