August 4, 2011

Sa Isang Boteng Beer Lang


Alak ang isa sa mga bagay na hindi nawawala sa isang handaan maliban na lang kung labag sa relihiyon ng mga taong nagdaos at dumalo. Pero kung Pinoy style celebration rin lang ang pag-uusapan, hindi nawawala ang alak. Kaya nga madalang ang selebrasyon na walang nalalasing.

Na-experience mo na ba ang mga ganitong klaseng lasing?


  • Ang politician na daldal ng daldal tungkol sa pulitika, gobyerno, trabaho at kung anu-ano pa.
  • Ang narrator na lahat na lang kwinento. Pati yung mga hindi totoo at hindi naman dapat sinasabi. Nagkukwento kahit wala nang kausap. Paminsan nagagalit pag parang walang nakikinig.
  • Ang genius na biglang tumatalino pag lasing. Hindi mo matatalo dahil hindi magpapatalo. Mapipikon ka lang. Pag dalawang genius ang nag-usap, good luck na lang.
  • Ang tawa nang tawa. Lahat na lang nakakatawa. As in LAHAT.
  • Ang cry baby. Lahat na lang nakakaiyak. LAHAT. Lalo na ang nakalipas.
  • Ang bukal ng sama ng loob. Uminom para lang maglabas ng sama ng loob. Magwawala, iiyak, madedepress... Kinabukasan, magsisisi, "Ba't ko ba kasi sinabi/ginawa yun?"
  • Ang collapsible. Collapsible dahil iinom, tatahimik tapos 1, 2, 3... collapse. Matataranta pa kayo. Ano, patay na ba to? Inatake sa puso?
  • Ang galit sa mundo. Literal. Lahat sa kanya nakakasura. Lahat nakakabwisit. Magwawala, makikipag-away at feeling immortal. Parang mabubura ng Dragon Balls lahat ng mangyayari (o kung ikamatay man niya ang ginagawa niya).
  • Ang wasted. Umiinom hanggang sa hindi na kaya ng katawan. Humahandusay, hindi humihiga. Lahat ng ginagawa, kahit saan lang ginagawa. Susuka kahit saan. Dadaldal kahit saan. Magsi-CR kahit saan. Matutulog kahit saan.
Mahina ako uminom. Madali ako'ng malasing. Madali din ako'ng mahilo sa alak. Sa katunayan, nung isang gabi lang, sa birthday celebration ng kaklase ko, uminom ako ng isang boteng Red Horse. A few hours later, sinuka ko. Sobrang hilo. Sobrang sakit sa ulo. Kinabukasan, maghapon ako'ng tulog. Oo, seryoso. Isang boteng Red Horse. Isang boteng beer.

Nung gabing nahilo ako sa isang boteng beer na yon, maya't maya ko tinatanong, "Ano ba'ng napakasaya sa pakiramdam na 'to?" Habang umiinom kasi, habang nag-uusap, yun ang masaya. Pero yung hilo, yung pagsusuka, yung sakit ng ulo... Hindi yata worth it para sa kin. Hindi ko maisip kung pano yun natitiis ng iba.

Okay lang sa kin ang inuman pero ayoko ng palasingan. Sampu kayo, walo ang lasing. Parang gusto mo'ng pagsasampalin isa-isa pag pagod ka na habang sumisigaw ng "TUMIGIL KA NAAAAA!!". Malalasing sila sa alak. Malalasing ka sa pagod at inis.

Kaya nga hindi ako basta-basta umiinom kung saan-saan. Nakakahiya kasi magpaalaga sa iba pag lasing ka na. At ayoko ng feeling ng kalasingan. Nararamdaman ko'ng kailangan ko'ng dumaldal ng dumaldal para di ko maramdaman yung hilo. At pakiramdam ko, kailangan ko'ng tumawa. At pag di ako natawa, malamang mapikon ako. At pag nakakainis na, gusto ko'ng maging violent. Ang hirap pa naman maging violent pag nahihilo ka na. So alam ko nang ganon ang ugali ko pag malapit na ko'ng malasing, ba't pa ko magpapakalasing lalo?

Just my two cents.