December 11, 2011

Kaartehan (Daw) Sa Paggamit Ng PC

Pet peeve daw ang tawag sa mga bagay o pangyayaring kinaiirita mo pero parang okay lang naman sa iba.
Halimbawa, sa ibang tao, ayos lang yung umiinom ng tubig sa baso na may butil-butil ng kanin pero para sa iba, sobrang nakakairita yon. Merong hindi nakakapag-drowing ng may nanonood pero sa iba okay lang.

Para sa iba, kaartehan ang tawag do'n. Kaya sige. Maarte ako sa PC. Maarte ako kasi para sa kin, ang PC ay bagay na dapat ingatan dahil nakakasira ng ulo pag nasira siya. Sanay na din kasi ako'ng parte siya ng buhay ko.

At dahil sa may biglang pasok na customer ngayon na parang inipon na ata lahat ng pet peeve ko sa paggamit ng PC, narito ang listahan ng aking mga "pet peeves" pagdating sa paggamit ng PC (na kung minsan ay iniisip ko kung meron din ang iba):

Ang pagdutdot sa screen na hindi naman touch screen.


Kahit pa nung CRT monitor pa lang ang ginagamit namin, nakakabadtrip talaga yung may ituturo lang sa screen, kailangan pang sumayad ng daliri dun sa surface ng screen. Wala namang magandang epekto yung ginagawa nila kundi mag-iwan ng mga lintik na finger print na ang hirap-hirap tanggalin. Ayoko din ng ganito sa screen ng cellphone o ng camera. Nakaka-high blood. Kaya nga sa shop namin, bago ka mag-in, may nakasulat na "WAG PO DUTDUTIN ANG SCREEN. HINDI PO TOUCH SCREEN. SALAMAT." ...In All Caps. Ayun. May mga pasaway pa din.

Ang pagdadabog ng mouse.


Bakit kailangang iangat yung mouse at idabog pababa? Kaya nga optical yan para nadedetect yung surface kung saan siya nag sa-slide. Hindi niya nadedetect yung movement on its own. Kailangan nakalapat siya sa isang surface para malaman niya kung kaliwa o kanan ang pupuntahan niya. So anong palagay niyong maaaccomplish niyo niyan sa pag-angat-angat niyan at pagdabog-dabog pababa? Wala. Sinisira niyo lang yung mouse. Shoo! Shoo! At kung ikakatwiran mo na mura lang ang mouse sa CD-R King, pwes, bumili ka ng iyo kung makiki-PC ka at yun ang idabog mo nang idabog.

Ang mabigat na paggamit ng keyboard. 


So feeling mo tumataas ang talon ng character mo pag hinahampas mo yung spacebar? Congratulations, kuya! Walang silbi yang ginagawa mo! At feeling mo impressive at bumibilis ka mag-type pag taka-tak nang taka-tak yung keyboard mo? Kumusta naman, ate? Typewriter ata ang gusto mo! Pwedeng pindutin ng normal yung keyboard. Walang ibang technique na kailangan para gawin yan. Kailangan mo lang pindutin ng normal, hindi yung parang yari sa bronse yang hinlalaki mo kung maka-spacebar ka. At wag mo'ng ikatwiran sa kin na "ganon talaga maglaro". Hindi ako tanga. Ilang taon na kaming naglalaro ng mga pinsan ko na di naman namin ginagawang karate board yung keyboard kaya wag kang magdahilan!

Ang pagtatype o pagki-click ng wala namang sense. 


Taliwas sa iniisip ng nakararami, hindi bumibilis ang pagloload sa pagpindot mo ng sunud-sunod na Enter, Spacebar, Left Click o Right Click. Loading screen siya. Ibig sabihin screen siya na lumalabas habang nagloload ang mga files, images, codes at kung anu-ano pa. Gagawin niya ang gagawin niya at wala siyang pakialam sa nararamdaman mo. Wala kang magagawa para bumilis siya (maliban na lang kung may instructions). Sa ilang pagkakataon, isa pang nakakapagpabagal yang pagpindot mo ng kung anu-ano. At kung sasabihin mo sa kin na "bored" ka lang kaya mo ginagago yung mouse at keyboard, dapat sa'yo magka-hobby na gumaganti para hindi ka na ma-"bored" — ever.

Ang pagpe-personalize ng PC na hindi naman iyo. 


Kung palitan ko kaya screensaver ng PC mo at gawin ko'ng mukha ni Inday Badiday, matutuwa ka? Kung gumawa ako ng sandamukal na folder sa memory card at pagiba-ibahin ko yung lalagyan ng pictures mo? Kung iba-ibahin ko yung filename ng mga files, i-delete ko yung mga message, magsave ako ng 200+ pictures ng sarili ko at ng kung-anu-ano, ibahin ko yung settings o mag-uninstall ako ng applications sa cellphone mo... Nang hindi magpapaalam... Palagay mo, nakakatuwa? Tapos sasabihin ko sa'yo "Balik mo na lang sa dati" or "Trip ko lang" ... Ano gagawin mo?

Ang paggawa ng kung anu-ano na hindi naman naiintindihan. 


Click dito. Click do'n. Double Click. Ok nang ok. Cancel ng cancel. Nag-install na ng virus. Pagtinanong mo kung ano nangyari "Ewan, nag-ok lang ako ng nag-ok" Ba't mo ginawa yon? "Wala. Ewan?" Mamili ka : Mawala ka ngayon o pawawalain kita??

Ang walang pakundangang pagsasaksak ng USB ke may virus o wala. 


Kung wala kang pakialam sa virus sa PC mo o sa USB mo, yung ibang tao meron. Kung ikaw, games at facebook lang ang purpose sa'yo ng computer, para sa ibang tao, kabuhayan nila yan. Kaya kung makakaperwisyo yang isasaksak mo, wag mo nang ipilit at pag may importanteng nawala diyan sa hard drive, baka ikaw pa masaksak ng di oras.

Ang paghawak sa pagkain sabay hawak sa keyboard o mouse. 


Masasampal kita. Literal. Ayaw na ayaw na ayaw ko ang nakakahawak ng mantika. Nakakairita. Kaya ayokong meron niyan ang keyboard ko. At ayoko din merong mga mugmog ng kung ano sa pagitan ng mga keys dahil pakiramdam ko, manunuot sila sa ilalim at magbi-breed o magtatawag ng kung ano na parang War of the Worlds! Ayokong ding malagkit yung mouse. Kadiri. Nakakainis.



Ang dami pala. Pet peeves pa ba ang tawag dito? Hindi ko alam. Sabi ng iba pet peeve daw 'to pero para sa 'kin, parang common sense lang naman. Sabi pa nga nung iba, arte lang daw to. Masira keyboard? Palitan! Masira mouse? Palitan! Masira monitor? Palitan!

Walang kwentang kausap?

PALITAN!