Hindi ako mabuting anak. Hindi ako mabuting apo. Hindi ako mabuting miyembro ng pamilya ko.
Essay ng nagrerebeldeng anak? Hindi.
Hindi dahil wala ako’ng problema sa magulang ko. Mas malaki ang problema ko sa mga hindi ko magulang.
Lumaki ako’ng open-minded lalo na pagdating sa pagbabago at pagkakaiba-iba. Tanggap ko na nagbabago ang mundo at dapat na maging bukas ang isip ko sa kung papano ito tumatakbo. Alam ko’ng kasabay ng panahon, lumilipas ang mga nakasanayang dapat sabayan ng pagkatao ko. Pinaintindi sa akin na magkakaiba ang mga tao pagdating sa pag-iisip at prinsipyo pero hindi yon sapat na basehan para tawagin silang mabuti o masama. Meron man silang ginagawa na hindi ko sinasang-ayunan, hindi ko obligasyon baguhin ang mga aspetong yun ng buhay nila maliban na lang kung kailangan na talaga.
Sabi nila, kung ano ka, yun daw ang igaganti sa’yo. Alam ko’ng hindi lahat ng tao ay tanggap ng lahat ng nasa paligid nila. Meron at meron ka’ng makikilalang ayaw sa’yo o talagang mainit lang ang dugo sa’yo pero so what, di ba? Hindi ka naman nabubuhay para i-please ang lahat. Inakala ko’ng ang pagiging open ang pinakamabisang paraan para maiparating sa ibang tao ang ibig ko’ng sabihin.
Nakakatawa.
Nakakatawang mga kadugo kong naturingan ang mismong humuhusga sa akin.
Kinakaibigan ko ang kahit sino’ng mabait — kahit pa ba lasenggo, pokpok o bobo. Basta mabait. Basta kaya makipag-galangan sa kin. Basta kakaibiganin din ako. Kadalasan, wala sa kin ang pagiging babae at lalaki, tomboy o bakla ng mga kaharap ko dahil sa katapus-tapusan, pare-pareho din silang tao.
Nakakatawa.
Nakakatawang mga nagnanasang tumulong sa kapwa ang mismong humuhusga sa iba.
Lumaki ako’ng kasama ang mga pinsan ko’ng lalaki kaya siguro wala na sa kin kahit puro lalaki ang mga kasama ko. Sabi nila pag mahilig ka daw sa lalaki, may taglay ka’ng kalandian. Hindi naman ako mahilig sa lalaki. Sa totoo lang, hindi ako marunong kumilatis ng gwapo. Kahit nga nagkakandarapa na yung mga babae sa isang guy, dedma lang kasi walang dating sa kin. Mataas siguro ang standards ko kasi gwapings yung mga kasama ko’ng lumaki kaya normal na sa kin yung mga ganung mukha.
Nakakatawa.
Nakakatawang mga nagkukunwang tahimik na nilalang ang mismong humusuhga sa akin.
Nilalabas ko ang saloobin ko. Artist ako kaya siguro may sarili ako’ng paraan sa pag-express ko ng sarili ko. Mahilig pa ko sa animé kaya mas expressive ako than most people. Iba ako manamit. Iba din ako magsalita. Iba ako sa mga taong nasa paligid ko.
Akalain ko ba’ng mali ang maging iba.
Nakakatawa.
Nakakatawang mga taong nagsasabing hindi ka dapat manghusga ang mismong humuhusga sa akin.
Mga taong nagsisimba linggo-linggo.
Mga taong may mga altar sa bahay.
Mga taong nagsasabing dapat na tinatanggap ang kamalian ng iba.
Hindi ko alam kung bakit kailangang i-filter nila ang mga kaibigan ko. Hindi ko alam kung bakit kailangang bilangin kung sino ang pumapasok sa bahay ko. Hindi ko alam kung bakit dapat ako’ng pigilin maging masaya.
Habang sinusulat ko ito, kasalukuyan ko’ng dinadamdam bawal ako’ng magdala ng kaklase o kaibigan sa bahay. Kahit sino. Basta hindi nila kilala, hindi pwede. Weird kasi hindi naman sila dito nakatira tapos anlupit nila magbawal. At hindi rin naman ako minor de edad. Hindi na ko pwedeng mag-movie marathon sa bahay namin ng kasama sila. Ako na lang mag-isa. Hindi na ko pwedeng tumawa habang nagsu-surf sa net kasama sila. Ako na lang mag-isa. Hindi na ko pwedeng magsabing dumayo sila sa bahay para dun na lang gumawa ng program. Dapat ako na lang mag-isa.
Mag-isa.
Alone.
Loneliness or being alone is one of the things I fear most. Takot ako’ng mapag-isa siguro dahil isinilang ako ng mag-isa at hindi ako biniyayaan ng kapatid. Contrasting ang kinalakihan ko’ng mundo kaya parati ako’ng nasa gitna at sa mura ko’ng isip noon, pinipilit ko’ng unawain kung bakit ganun ang mga matatanda.
“Kung talagang si Lord ang may alam ng lahat at sinasabi ng matatanda na alam nila ang lahat, ibig sabihin ba diyos na din sila?”
Kakaiba ang nagagawa ng pera, pag-aari at kapangyarihan. Dahil ba kaya mo ako’ng tanggalan ng mga materyal na bagay, kailangan ko ng baguhin ang prinsipyo ko para i-adapt ko ang prinsipyo mo? Dahil lang ba nauna ka’ng pinanganak sa kin, ibig sabihin kaya mo ko’ng intindihin ng hindi mo inaalam ang lahat?
Masakit na masakit sa kin ang sabihing hindi ako dapat “ganun makipagkaibigan”. Bakit? Dahil ayaw nila sa mga kaibigan ko, ayaw ko na din dapat?
Bakit?
E ano ngayon kung nagmumura sila? Mabait naman sila. E ano ngayon kung may kalibugan silang taglay? Nandiyan naman sila pag kailangan ko. E ano ngayon kung hindi sila matatalino? Iniintindi naman nila ako. E ano kung hindi sila nanggaling sa marangyang pamilya o mayamang angkan? E ano kung hindi sila Katoliko?
Wala na bang halaga kung dinadamayan nila ko? Wala na bang halaga kung pinapahid nila ang luha ko? Wala na bang halaga kung pinapasaya nila ako araw-araw?
Wala bang halaga kung nagiging dahilan sila kung bakit ako gumigising uma-umaga — kung bakit hindi ko naiisip lumaklak ng pampatulog para mahimbing mula sa problema?
Wala bang halaga na sa kabila ng mga kapintasan nilang nakikita ng iba ay mabubuti naman silang tao sa loob?
Wala bang halaga ang kahit konting kabutihan sa kanila?
Kung ang Diyos nga ililigtas ang Soddom at Gommorah kung may iilang hibla ng mabubuting tao, bakit ang tao agad itinatakwil ang kapwa nilang may kabutihan naman?
Pakiramdam ko ngayon, para ko’ng pinutulan ng braso. Sobrang kulang. Pakiramdam ko pinagbawalan ako’ng maging masaya. Pwede daw ako’ng magsaya sa ibang paraan... Tulad ng ano? Bakit kailangang ipilit nila sa kin ang hindi ko naman libangan?
Twenty-three years old na ko this coming November 25. Ang tagal ko’ng nagtiis at naghintay para maging 18 dahil doon ko inakala na magkakaron ako ng konti pang kalayaan. Doon ko magagawa ang gusto ko. Pwede ko ng sabihing “hindi na ko bata”. Sinunod ko ang gusto nila nung mga panahong iyon. Bahay-eskwela. Eskwela-bahay. Hindi ako lumalabas para makisalamuha dahil ayaw nilang magkaroon ako ng impluwensiyang alanganin. Hindi ko gusto ang unang kursong kinuha ko pero yun pa rin ang kinuha ko dahil ayaw nila sa gusto ko. Wala pa ko’ng 18 nun at inakala ko’ng baka nga tama sila. Baka nga... Baka nga...
Baka nga...
Baka nga ikamatay ko ang kurso ko.
Araw-araw na impyerno ang paggising para gawin ang isang routine na inaayawan ng katawan mo. Ginagawa mo na lang para sa madla, para sa paningin ng iba. Wala palang kwenta ang ganun. Eto ang ginagawa ko pero nasa iba ang puso ko.
Ang hirap pala.
Bastusin ang naka-short. Parang cabaret ang computer shops at adik ang mga computer gamers. Pokpok ang mga mapormang magbihis. Hindi nirerespeto ang mga tumatambay sa labas. Malandi ang tumatawa sa daan at masagwang maglakad sa kalsada na lalaki ang katabi mo kahit na wala kayong ginagawa.
Ilan lang yan sa mga prinsipyong at patakarang hindi ko naintindihan at hanggang ngayon ay hindi ko naiintindihan. Pero inunawa ko lahat at pinilit ko’ng matuto bilang paghahanda sa edad na hinihintay ko. Binibilang ko ang taon.
Konti na lang. Konting tiis na lang.
Tumuntong ako ng 18. Madami ako’ng gustong subukan. Madami ako’ng gustong gawin. Agad kong hinawakan ang sinulid ng kalayaang abot-kamay ko lang. Madami ako’ng tanong. Madami ako’ng gusto pa’ng matutunan. Gusto ko’ng makita ang mundo dahil inakala kong pwede na pero tama ang kasabihan.
“Walang akalang tama.”
Ang mga nauna pa’ng rules, nadagdagan ng bagong set nung sinubukan ko’ng alamin kung ano ang nasa labas ng kinagisnan ko. Lalo ako’ng nasakal. Nagkaron na ko ng sarili ko’ng prinsipyong pinaniniwalaan at pinaninidigan. Hindi ba’t yun naman talaga yun? Ang maunawaan ko ang tama at mali base sa kung ano’ng naranasan ko?
Bakit ako bawal makaranas ng pagkakamali?
Di ba’t experience is the best teacher?
“Experience is the best teacher but we’re better than experience.”
Parang TV ad.
Hindi ako pwedeng matuto sa experience ng iba!
Hindi kami pareho. Tinawag nila ko’ng rebelde. Imbes na unawain, itinakwil nila ‘ko. Pinagbawalan at sinakal. Bawal ang kalayaan. Bawal ang kasiyahang hindi nila naiintindihan.
Bawal ako’ng maging ako.
Bakit?
Kung mali na maging ako bakit ako ginawang ako ng Diyos? Para masaktan? Hindi dahil hindi mapanakit ang Diyos. Pinipilit ko’ng tingnan sa maayos na perspective ang lahat pero mahirap gawin yun pag tumutulo ang luha mula sa mga mata ko.
Hindi ko maintindihan kung bakit ko kailangang danasin ang mga sakit na nararamdaman ko ngayon. Ano ba’ng kasalanan ko?
Hindi ako papayag.
Mahal ko ang sarili ko at mahal ko ang kinagisnan ko.
Ipaglalaban ko ang mga kaibigan ko dahil mababait sila. Hindi ako papayag na matahin sila ng iba. Hindi ako papayag na sasaktan sila ng iba. Hindi ako papayag na husgahan sila ng iba.
Kaibigan ko sila at patuloy ko silang gagawing kaibigan hangga’t kaya ko. Aalagaan ko sila at mamahalin like the siblings I never had.
I will break away from this cycle and I will live as me, without being dictated and without being held back by the principles that I never acknowledged.
May araw din kayo.