June 22, 2011

Kung Bakit Astigin Ang Planner


Ang taong nakikita niyo sa larawan ay si Gett. Friend ko siya sa Facebook at sa Plurk (wala na siyang plurk pero dun kami nagkaron ng connection). Hindi ko alam exactly kung pano kami naging connected pero hindi yun ang topic. Ang topic dito ay yung planner. Ang ganda ng planner niya. Nainggit naman ako. Gusto ko din nun... Kaya lang, wala naman ako'ng isusulat. T_T

Bata pa lang ako, astig na astig na ko sa pagkakaron ng organizer. Parang pag sinabi sa yo na, "Uy, alis tayo sa Sabado!" Sasagot ka naman, "Check ko muna sched ko." Astiiiiiig.


Gustung-gusto ko magka-organizer kaya nung high school ako, sinamantala ko ang pagkakataon at ginamit ko ang organizer na regalo sa kin ng ninang ko. Hello Kitty yun. Ayaw ko kay Hello Kitty pero pwede na din. Ang organizer ay organizer! At ang organizer ay... ASTIG! Kaya lang dun ko narealize na hindi naman pala ako ganon ka-busy na tao noon para mag-organizer. Hindi kasi ako yung tipong ma-extra curricular. Madami ngang assignment. May mga exam nga. Madaming gagawin pero hindi ko din naman nasusulat sa organizer. Nakakatamad isulat. Nakakatamad tingnan. Pakiramdam ko din kasi parang nawawala yung sense ng planner/organizer pag puro assignment/project ang sinulat. Parang kinukuha niya yung trabaho ng "Assignment Notebook". Kaya ayun. Naranasan ko tuloy na bukas na yung periodical exams, hindi ko pa alam. At mangilan-ngilang pasahan ng project na lumipas na di ko namalayan ("Asan project mo?" "Ipapasa na ba ngayon?????").

Ayun. Yung Hello Kitty na organizer ko na regalo ng ninang ko, nagamit ko pa hanggang college. Hindi ko alam kung nakakaasar o nakakahiya. Pero high school pa naman ako nun. Nakikita ko ang pinsan ko nun na college na at may organizer. Ang daming laman. Ang daming nakasulat. Ang daming papel na naka-ipit. Ang gandaaaaaa. Ang astiiiiiig. Siguro pagdating ko ng college, magagamit ko din ang organizer!!

Dalawang beses ako nag-college. Unang beses ang Computer Engineering. Wala pa ding saysay ang organizer. Siguro magsusulat ako sa mga unang linggo kada sem tapos ayoko na. Ayoko pa din isulat yung mga kailangan ko'ng gawin. Ang boring kasi. Parang ang pangit ilaman sa organizer. Hindi ko din naman matitingnan dahil plakda na ko pag-uwi sa bahay. Magpapahinga na lang ako at matutulog. Swerte lang ng organizer kung mailabas siya sa bag.

Hindi ko natapos ang Computer Engineering. Nasa pagitan ng third at fourth year ang mga subjects ko nun nang maisipan ko'ng huminto. Wala naman kasing saysay ituloy ang isang bagay na hindi ko gusto. Too late ko lang na ma-realize.

Makalipas ang mga dalawa o tatlong taon, nag-aral ulit ako pero wala na sa isip ko ang organizer. Gusto ko pa din ang organizer. Astig pa din siya sa paningin ko. Pero sapat na yung mahabang panahon na yun para malaman ko'ng masasayang lang ang bubuksan ko'ng planner tapos di ko naman masusulatan. Hindi na lang ako bumili at hindi ko na lang hinalukay yung mga luma ko'ng planner. Sayang lang eh.

Lumipas ang isang sem.

Nagkamali ako.

Kailangan ko ng planner.

Sa kung ano'ng dahilan, naging napaka-busy ko. Napakadami ko'ng ginagawa. Madami ako'ng dapat tandaan. Siguro kasi masaya ako nun. Interesting at... well, ayun na nga, masaya.

Bumili ako ng planner eventually. Pero yung mura lang at pocket-size. Natakot ako na masayang lang ulit. Bumili ako nung parang may calendar style para dun sa boxes ko isusulat ang aking mga "tasks". Dun ko narealize na napakadami palang pwedeng ilagay sa planner. Hindi lang pala school activities. Yung mga lakad ng barkada, anime conventions, palabas sa TV, birthday ng mga tao at kung anu-ano pa... Hindi lang pala umiikot ang planner sa mga seryosong bagay lang. Sinusulat ko din naman sa planner ang mga academic at extra curricular activities ko pero hindi na katulad ng dati. Tinitingnan ko na sila pag-uwi. Nilalagyan ko na ng marka yung mga priorities at yung mga tapos na.

Narealize ko na kaya pala ako tinatamad magsulat sa planner ay dahil napakadami ko'ng ayaw gawin nung mga panahon na yun. At napakadami ko ding gustong gawin. Sa sobrang dami ng gusto at ayaw, nagco-conflict na sila. Kung utak ang gagamitin ko, mas importante ang mga bagay na ayaw ko. Kung puso ang pagaganahin ko (hindi romance, ha), mas importante ang mga bagay na gusto ko. Ang gulo. Nakakalito.

Hindi pala yung planner ang astig. Ang astig pala dun ay yung hawak mo yung oras mo. Yung alam mo yung gagawin mo. Yung hindi ka natatarantang wala ka'ng direksyon.

Hindi pala yung planner ang astig. Ang astig pala dun ay yung alam mo kung ano'ng direksyon ang gusto mo. Yung alam mo kung ANO MISMO ANG GUSTO MO. Ang purpose lang ng "planner" ay para maayos mo yung daan papunta sa gusto mo'ng puntahan.

Nakakatawa na ngayong puntong 'to ng buhay ko, medyo wala ako'ng organisasyon sa isang bagay na gusto ko'ng gawin. Hindi ako makapagdesisyon at naguguluhan din ako tungkol sa gusto ko, sa bagay na importante sabi ng utak ko, ng lipunan at ng puso ko. Hindi pa rin ako makapagdesisyon ngayon pero medyo okay na ko.

Astig talaga ng planner.